3 pupils nakatakas | PUTING VAN NA NANGUNGUHA NG BATA, GUMAGALA

LIMANG kalalakihan ang umano’y nagtangkang dumukot sa tatlong elementary grade pupils sa Iriga, Camarines Sur, kahapon ng umaga.
Dumulog sa himpilan ng pulisya kasama ang kanilang mga kaanak upang ipagbigay-alam ng mga biktima ang sinapit ng mga ito sa hindi pa nakikilalang mga suspek sa tangkang pagkidnap.
Base sa inisiyal na imbestigasyon ni PO2 Marisol Paloma, naglalakad ang tatlo papasok sa eskuwelahan bago mag-alas-6:00 ng umaga nang harangin umano sila ng puting van kung saan lumabas ang mga suspek.
Gayunman, nagawa umanong makatakbo ng isa sa tatlong bata habang ang dalawang naiwan ay sapilitang isinasakay ng mga suspek papasok sa loob ng van.
Ilang saglit pa ay nagawa rin umanong makawala ng dalawang biktima nang kapwa kagatin nila ang mga kamay ng suspek at mabilis ding tumakbo palayo.
Kaugnay nito, naglatag na ng mga checkpoint ang pulisya sa ilang mga lugar na pinaniniwalaang daraanan ng mga suspek.





Comments