1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013... MGA PANINIWALA TUNGKOL SA PAGKATAO NG MGA AHAS


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong 2019 ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapabibilang sa Year of the Snake kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013.
Ang Year of the Snake ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Venus at sa Western Astrology, ito ang kumakatawan sa zodiac sign na Taurus.
Sinasabing higit na makamandag ang Ahas na isinilang sa panahon ng tagsibol at tag-araw habang ang mga Ahas naman na isinilang sa panahon ng taglamig at tag-ulan ay tutulug-tulog at pagapang-gapang lang.
Malalim at mahiwaga ang katalinuhan ng Ahas sa kumbinasyon ng pagiging malambing, sensuwal at masarap magmahal. Kung paanong napaghahalo at napaghihiwalay ng Ahas habang siya ay nakikisalamuha, ang pagiging tuso at may malalim na simpatiya sa kanyang kapwa ay kumplikadong puzzled na mahirap mahanap ang kasagutan.
Kaya naman ang mga Ahas ay may mahiwagang pagkatao at misteryosong personalidad na mahirap malaman. Ang mga ito ay lalo pang nakaaakit dahil sa taglay na magnetismo ng kanilang personalidad.
Masarap kasama ang Ahas dahil tulad ng nasabi na, sila ay mahiwaga, matalino, mapagmahal at sensuwal na para bang palagi silang may lihim na itinatago sa loob ng kanilang pagkatao at kung bago mo pa lang sila kakilala ay parang nais mong tuklasin ang lihim nilang ito hanggang sa unti-unti ka ng mabibighani sa likas na karisma at sa kakaibang taglay na kagandahan ng kanilang pagkatao.
Si Jacob ay Snake, consistent honor mula elementarya hanggang high school. Si Jen ay Snake, pinaka-popular at hinahangaan sa kanilang opisina dahil sa taglay niyang pagiging misteryosa at sobrang kagandahan. Si Madelyn ay Snake na nakapag-abroad ng maraming beses at nakipagrelasyon sa kung kani-kaninong kalalakihan, kumbaga, sobrang makulay ang kanyang karanasan sa pag-ibig. Sila ay ilan lamang sa mga ehemplo ng mga taong nananalaytay sa kanilang kapalaran ang dugo ng pagiging Ahas.
Oo, hindi sila pangkaraniwan sapagkat ang pagiging popular, mapang-akit, katalinuhan, mahiwagang pagkatao ay mga katangiang nangingibabaw at kusang nagdadala sa kanila sa mataas na pedestal ng lipunan.
Dahil dito, likas na sisikat at talaga namang hahangaan nang todo sa lipunang kanilang ginagalawan ang mga Ahas, kaya dapat ay matuto silang magkaroon ng kongkretong layunin sa buhay upang hindi sila matulad sa kaisa-isang kulay pulang bulaklak sa gitna ng gubat na napaliligiran ng mga berdeng halaman, ngunit, matapos umusbong, bumuka at mamukadkad ang kulay pulang bulaklak na nagpasabog ng kanyang bango at kagandahan sa gitna ng kagubatan, mga ilang araw lang ang lumipas ay nanguluntoy, nalanta, nahulog sa lupa at nawala na. Oo, nakapanghihinayang ang mga dating makukulay na karanasan na lang ang natira dahil ‘yung kaisa-isa bulaklak sa gitna ng gubat ay nawala na at tuluyang nabura.
Kung ikaw ay Ahas, hindi dapat mangyari sa buhay at kapalaran mo ang ganu’ng sitwasyon, sa halip, ang dapat mong gawin habang sumusikat ka ay ipagpatuloy mo lang ang pag-abot mo sa iyong mga pangarap.
Sa ganu’ng paraan lamang, sa panahong ang Ahas ay nagpalit na ng balat dahil sa sobrang katandaan, mananatili siyang maligaya at may masarap na buhay dahil sa panahon ng pagtanda, ganap na niyang makakamit ang ultimate goal niya sa buhay.
Ibig sabihin, habang bata ka, habang sikat ka pa, habang malakas ka pa, habang popular ka pa, dapat may layunin ka at ang “ultimate goal” mo na ito, kung anuman ‘yun ay ngayon pa lang ay pilitin mong maabot upang sa ganu’n pagdatal ng dapit-hapon ay wala kang panghihinayangan, sa halip ay magkakaroon ka ng masarap at maligayang pagtanda.
(Itutuloy)




Comments