WANTED, MGA PETMALU NA CHESS PLAYERS SA TORRE CUP

LAHAT ng manlalaro, anuman ang edad o rating sa chess ay iniimbitahang sumali sa kauna-unahang GM Eugene Torre Chess Cup na gaganapin sa Marso 18 sa Mapua Gym, Intramuros, Maynila.
Ito ang paanyaya ng kauna-unahang chess Grandmaster ng Asya na si Eugene Torre Huwebes ng umaga sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club, Intramuros, Maynila.
“This is open to all chess players. Magandang exposure ito lalo na sa mga bata,” sabi ni Torre, na dating naglaro rin para sa chess team ng Mapua.
“Magkakasubukan din dito ang mga tituladong manlalaro lalo pa na isa itong FIDE (World Chess Federation) rated event.”
Ayon kay Edmond Aguilar, presidente ng nag-oorganisang Mapua Filipino-Chinese Alumni Association, lilimitahan nila sa 400 players ang makalalahok sa torneo dahil aniya, iyan lang ang kaya ng venue sa Mapua Gym.
Pakay din aniya ng torneo na mahasa ang players ng Mapua bilang paghahanda na rin sa mga nalalapit na inter-collegiate tournaments.
Dagdag naman ni tournament director at Mapua head coach Boyet Tindugan Tardecilla, ang magkakampeon sa Open division ay mag-uuwi ng P30,000 premyo at isang magarang tropeo.
Ang runner-up ay may P20,000 at ang 3rd placer ay may P8,000. Ang mga magkakampeon sa elementary at high school ay may tig-P5,000.





Comments