Nakikipaghiwalay | MISIS BINARIL NG MISTER, TODAS

PATAY ang 24-anyos na babae nang dalawang beses barilin ng kanyang kinakasama na hindi umano matanggap ang pakikipaghiwalay ng una sa Quezon City.
Kinilala ni Batasan Police Station 6 Commander Police Lieutenant Colonel Joel Villanueva, ang biktima na si Divina Buere Catina, 24, tubong Bicol at residente ng Bgy. Commonwealth.
Namatay si Catina habang inooperahan sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong dalawang tama ng bala ng kalibre .45 sa kanyang likuran.
Agad namang naaresto ang suspek na live-in partner ng biktima na si Regenaldo Bulye Galaygon alyas Dong, 53.
Batay sa paunang ulat ni Police Patrolman John Mark Calda, nangyari ang pamamaril alas-9:10 ng Martes ng gabi sa mismong bahay ng mag-live-in partner.
Sa pahayag ng testigong si Luie Flores Orica, 28, kapitbahay ng biktima, nagtungo umano ang suspek sa bahay ng kanyang kinakasama na si Catina at makalipas lamang ang ilang minuto ay narinig na niyang nag-aaway ang dalawa kasunod ang dalawang putok ng baril.
Naabutan na lang ni Orica na humihingi ng saklolo ang duguang babae na isinugod niya sa ospital.
Nasamsam sa lugar ng krimen ang isang kalibre .45 pistola at mga bala.
Nahaharap na sa kasong homicide ang suspek.





Comments