Ilang ektarya ng mga lupain sa bansa, imbes mapakinabangan, hinayaan lang na nakatiwangwang!
- Ryan B. Sison
- Mar 7, 2019
- 2 min read

PROBLEMA sa lupa, ito ngayon ang isa sa mga suliraning kinahaharap ng bansa.
Ito ay dahil hanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang sariling tirahan at ang ilan sa atin ay palabuy-laboy lang sa lansangan at walang mauwian.
Nakalulungkot ang ganitong mga senaryo, pero, ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, chairman ng House Committee on Urban Development, mayroon pang 3 libong ektarya ng lupain ang maaaring gamitin ng bagong tatag na Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na mapagtatayuan nila ng bahay at marami pang iba.
Kung saan ang karamihan sa mga ito ay matatagpuan lamang sa Metro Manila, ‘yun nga lang ang kalahati sa mga ito ay mga nakatiwangwang.
Dagdag pa rito, ang 1,234.85 ektarya na pag-aari ng gobyerno ay inookupahan ng informal settler families (ISFs).
Pero, sa ilalim ng bagong batas na DHSUD, maaaring kunin ang nasabing mga lupa ng gobyerno at gamitin ito para sa socialized housing projects para maging matagumpay ang housing program na makatutulong talaga para sa lahat, lalo na kung hindi tayo magiging korup.
Samantala, kung hindi ito mapagtatagumpayan, paniguradong daragsa ang mga Pilipino na mangangailangan ng bahay na maaaring lumobo ng 6.8 milyon bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Kaya ang panawagan natin sa gobyerno, gamitin ang mga kayamanan ng bansa at huwag itong gamitin sa wala.
Itigil na ang panggigipit sa mga tao at doon lamang tayo sa tapat na serbisyo!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments