Hirit sa gobyerno | ‘WATER SUMMIT’ KONTRA EL NIÑO

HINILING sa gobyerno na magsagawa ng solusyon sa napipintong krisis sa panahon ng El Niño phenomenon, partikular ang pagsulong ng “water summit”.
Nanawagan si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa gobyerno na agad magbigay ng tulong sa mga magsasaka sa bansa na direktang tatamaan ng El Niño.
Dapat umanong maghanda ang bansa sa nasabing tagtuyot na magsisimula ngayong Marso, lalo at nagbabala ang PAGASA sa publiko ng pinsalang idudulot nito sa mga pananim.
Una nang sinabi ng PAGASA na ang mga probinsiya ng Ilocos Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Maguindanao, Sulu, Bukidnon, Basilan, Lanao del Norte at Lanao del Sur ay matinding tatamaan ng El Niño, na ang ibig sabihin ay 60% na hindi makararanas ng ulan ang mga probinsiyang ito.
Sa Laoag City, Ilocos Norte, sinimulan na ng mga magsasaka na anihin ang kanilang mga pananim tulad ng mais upang hindi na mapinsala ng mataas na temperatura.
Samantala, isinailalim na sa ‘state of calamity’ ang buong Zamboanga.
Kasunod ito sa pag-aapruba ng Zamboanga City Council sa rekomendasyon ni City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Head Dr. Elmer Apolinario na ilagay na sa state of calamity ang siyudad dahil sa tindi ng epekto sa nararanasang ‘weak El Niño’ o mahinang panahon ng tagtuyot.
Ayon kay Shiela Cobarubias, tagapagsalita ng Zamboanga City, nakararanas na ng epekto ang weak El Niño sa mga pananim na palay, gulay at iba pang klase ng pananim.
Gayunman, paliwanag ni Cobarubias, may nakalaan naman silang aabot sa P53 milyong pondo para sa kalamidad gaya nito.
Ipinanukala na rin umano ni City Social Welfare and Development (CSWD) Chief Carmencita Sanchez, ang pagpapalabas ng P33 milyon para gamiting pang-ayuda sa mga magsasaka na maaapektuhan ng naturang kalamidad.





Comments