Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAHIWALAY SA DALAWANG BF
- BULGAR

- Mar 5, 2019
- 2 min read

KATANUNGAN
Nagtatrabaho ako ngayon bilang kasambahay dito sa Cavite, pero may naiwanan akong boyfriend sa probinsiya. Regular kaming nag-uusap sa cellphone at minsan ay nagkaka-chat din kami. Alam kong mahal na mahal niya ako at ganundin ako sa kanya.
Pero, mula nang ligawan ako ng driver ng amo namin ay unti-unti ng nahuhulog ang loob ko sa kanya. Nagtataka rin ako sa aking sarili kung bakit bigla ko siyang sinagot.
Sa ngayon ay mag-on na kami at dahil madalas kaming magkita at magkasama sa bahay ng mga amo namin ay may nangyari na sa amin.
Sino kaya sa kanilang dalawa ang mapapangasawa ko kasi ngayon ay pareho ko na silang mahal at tuloy pa rin ang komunikasyon namin ng boyfriend ko sa probinsiya?
KASAGUTAN
Wala kang makatutuluyan sa dalawa mong boyfriend. Ito ang nais sabihin ng medyo nagulo, nabiyak at nagkabuhul-buhol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na bago ka makapag-asawa at magkaroon ng permanente at panghabambuhay na relasyon, matitinding mga kabiguan at pagtatalo muna sa pag-ibig ang iyong mararanasan.
Ang pag-aanalisang, ang kaguluhang pinasok mo ngayon ay magdudulot sa iyo ng malaking problema sa kinabukasan ay madali namang kinumpirma ng pumangit ding unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa kasalukuyan ay mahihirapan kang magdesisyon upang tulad ng nangyayari ngayon kung saan nagpapatuloy pa ang ganyang relasyon, ang pagkakaroon mo ng dalawang magkasabay na boyfriend sa iisang panahon. Hanggang sa bandang huli, magugulantang ka na lang sa mangyayari, kapag nabuntis ka ng boyfriend mong kasamahan mo rin sa iyong trabaho, pero ang masaklap dito ay bigla ka rin niyang iiwanan. Sa pagkakataong ito, pansamantalang unti-unti ng guguho ang iyong mga pangarap. Wala kang magagawa kundi sabihin at ipagtapat sa isa mo pang boyfriend na nasa probinsiya ang tunay na nangyayari, ngunit, kapag nangyari na ang pagtatapat na nabanggit, sa mapait na kabiguan din mauuwi ang lahat — tuluyan na ring makikipag-break sa iyo ang boyfriend mo sa probinsiya upang sa panahong tinuran ay dobleng sakit at pagluha pa ang iyong mararanasan.
DAPAT GAWIN
Mabuti na lang, Abigail, may sumulpot na ikalawang mas maganda at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos ang mga kabiguang inilarawan na sa itaas at matitinding problemang dulot ng ginagawa mong “pamamangka sa dalawang ilog” o pagkakaroon ng dalawang sabay na boyfriend sa iisang panahon, sa dakong huli, magiging maayos din ang lahat sa taong 2021, sa edad mong 33 pataas, matapos kang maging single, may isang lalaki pa ring magmamahal sa iyo nang lubusan na isinilang sa zodiac sign na Taurus kung saan ang lalaking ito ang siya nang hahango sa iyo sa kalungkutan, mamahalin ka niya ng tunay at kahit dalagang-ina ka, iaahon ka niya sa iyong nakaraan upang pagkatapos ay bumuo kayo ng simple, pero maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments