Lahat ng PWDs, pasok sa philhealth — Duterte

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11228 kung saan awtomatiko nang miyembro ng PhilHealth ang lahat ng persons with disabilities (PWDs).
Kasunod na rin ito ng ginawang pag-amyenda sa Magna Carta for Persons with Disability.
Pinirmahan ng pangulo ang nasabing batas nitong Pebrero 22 at magiging epektibo matapos ang 15 araw na paglathala sa Official Gazette o anumang pahayagan na may general circulation. Sakop ng national health insurance program ng PhilHealth ang mga PWD at ang premium contributions nito ay sasagutin ng national government.
Nakapaloob sa batas na kukunin ang pondo para sa kontribusyon ng PWDs mula sa dagdag na sin taxes o excise tax sa mga inuming nakalalasing at tobacco products.
Kaugnay nito, inoobliga naman ang local government units, PhilHealth at National Council on Disability Affairs na isumite ang listahan ng mga PWD sa Department of Health.





Comments