top of page
Pokwang.jpg

Away-magkapitbahay, 1 pa nadale | MAG-ASAWANG EDAD 72 AT 76 NIRATRAT, TINADTAD NG PULIS

Jeff Tumbado
Mar 5, 2019
1 min read

PATAY ang 72-anyos na lola matapos pagbabarilin at pagtatagain ng nag-amok na dating pulis sa San Felipe, Zambales kamakalawa ng umaga.

Dead-on-arrival sa San Felipe District Hospital si Erlinda Arriola habang nananatili naman sa James L. Gordon Memorial Hospital ang asawa nitong si Rogelio, 76, at bayaw na si Jaime Facelo, 71, na kapwa nagtamo ng matinding mga sugat sa katawan sanhi ng insidente.

Ayon kay Police Captain Horace Zamuco, nangyari ang krimen sa tapat ng bahay ng suspek na si Randolf Cambe, 48, sa Sitio Lamban, Bgy. Apostol alas-8:45 ng umaga ng Linggo kung saan kapitbahay lamang nito ang Pamilya Arriola.

Kinompronta umano ng mag-asawang Arriola ang suspek kaugnay sa pagkasira ng kanilang pananim na gulayan at isinisisi sa mga inaalagaang kambing ng dating pulis hanggang sa magtalo.

Bigla umanong kumuha ng baril si Cambe at pinagbabaril ang mag-asawa kung saan sa puntong iyon ay dumating ang kapatid ni Erlinda na si Jaime na nagtangkang umawat subalit, binaril din ito sa hita.

Nang maubusan umano ng bala ay kinuha naman ng suspek ang kanyang itak saka iwinasiwas sa mga biktima.

Kapwa nagtamo ng tama ng bala sa sikmura ang mag-asawang Arriola bukod pa sa taga sa braso ni Roberto habang malalalim na sugat sa leeg, mukha at balikat naman ang tinamo ni Facelo mula sa pagkakataga.

Tumakas ang suspek gamit ang kanyang motorsiklo na kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page