25 NPA sumuko

NAGBALIK-LOOB na sa pamahalaan ang 25 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng kanilang pagsuko sa militar sa Sagay City, Negros Occidental, kamakalawa, sa seremonyang ginanap sa command base ng 79th Infantry Battalion ng 3rd Infantry Division-Philippine Army.
Kabilang sa mga nagsisukong tauhan ang mga rebeldeng nasa ilalim ng Don Salvador Bendicto Territorial Force and Platoon Robinson.
Ayon kay Lieutenant Colonel Emilito Thaddeus Logan, commanding officer ng 79th IB, isinuko rin ng mga rebelde ang 27 bilang ng samu’t saring matataas na uri ng armas.
Nauna rito, nasa 60 miyembro ng militia ng bayan at mass base supporters ang boluntaryong sumuko at nangakong magbalik-loob sa pamahalaan kasabay ng pagtuligsa sa terorismo na isinasagawa ng CPP-NPA.
Kaugnay nito, inaasahan ni Army Major General Dinoh Dolina, commander ng 3rd Infantry Division, ang pagsuko pa ng maraming miyembro ng NPA at magbalik-loob sa pamahalan at maging ng kanilang tagasuporta dahil umano sa tunay na sitwasyon na kanilang kinahaharap.
Isa rin umano sa dahilan ng pagbabalik-loob sa gobyerno ang bansag sa kanila bilang “terorista” at hindi na ang tawag bilang sundalo ng taumbayan.





Comments