- BULGAR
Hirit na ipagtatanggol ang ‘Pinas 'pag giniyera, hinding-hindi mangyayari | U.S., ATRAS SA MGA K
BOBI TIGLAO / BANAT
KARAMIHAN sa headline ng mga diyaryo noong isang araw na ayon umano kay U.S. Secretary of State Michael Pompeo, dedepensahan daw ng Amerika ang Pilipinas kapag umatake ang China.
Nambola na naman ang mga Amerikano, hinding-hindi mangyayari ‘yan.
Mayroong matinding dahilan kaya hindi nila gagawin ito.
Alam nila na kapag tumulong sila na dipensahan ang Pilipinas laban sa China ay lalaban din ito at ang mangyayari ay isang pandaigdigang digmaang pang-nuclear ng dalawang bansa.
Ano ang mangyayari sa ganitong giyera? Mayroon ding mga armas-pandigma ang China tulad ng mga missile, eroplano at submarine at kaya rin nilang maghulog ng mga nuclear bomb sa Estados Unidos.
Panigurado, milyun-milyon ang mamamatay kapag nangyari ito. Babagsak hindi lang ang ekonomiya ng dalawang bansa kundi ng buong mundo.
Ganito ang isasakripisyo ng mga Amerikano dahil lang sa Pilipinas sa hangad nitong makuha ang mga isla na pinag-aawayan nito at ng China?
Maghunos-dili nga kayo, huwag kayong magpapabola sa mga Kano.
Sinasabi nilang nasa tinatawag na Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas na nilagdaan noong 1951.
Eh, may lusot ang Amerika dahil sinasabi rito na tutulong ito kapag may umatake sa “Metropolitan Philippines”.
Ibig sabihin, kapag inatake ang mga lungsod natin saka lang maaaring tumulong ang Amerika.
Ang pinag-aawayan ng Pilipinas at China ay mga isla sa South China Sea na napakalayo sa mga lungsod natin na kung walang tao, eh, kakaunti lang.
Nangyari ito nang humingi ng tulong ang Pilipinas sa Amerika at sinabing hindi puwede, problema n’yo ‘yan.
Matatandang, noong 2012, dahil sa kapalpakan ni ex-P-Noy ay nasakop ng mga Chinese ang Scarborough Shoal.
Ang nangyari, inorderan ni ex-P-Noy ang mga barko natin na iwanan ito matapos ang halos isang buwang girian ng mga barkong Tsino at Pilipino sa Scarborough Shoal.
Nabola ito ng mga Amerikano na sabay daw lalabas sa Scarborough Shoal ang mga barko ng Pilipinas at China.
Eh, pinag-uusapan pa lang ang ganitong mungkahi, inunahan nang orderan ni ex-P-Noy ang mga barko natin na umalis doon.
‘Yun, nang umalis ang mga barko natin ay hindi na pinayagan ng China na makabalik ito sa loob ng Scarborough Shoal.
Noong nagtagal nang mahigit isang buwan ang problemang ito, pumunta si ex-P-Noy sa Amerika para kausapin si ex-Pres. Barack Obama ng Estados Unidos kung maaaring samahan ng barkong pandigma ng Amerika ang mga barko natin sa pagpasok sa Scarborough Shoal.
Sa kasamaang-palad, kulang na lang sabihin ni ex-Pres. Obama: Ano kami, luku-luko?
Tiyak na titindi ang sitwasyon at magpapadala ng mas maraming barko ang China hanggang sa magkaroon na ng malawakang digmaang sa pagitan ng dalawang bansa.
‘Yun, ang nangyari ay natameme si ex-P-Noy at umuwi na lang pabalik sa Pilipinas na nganga mula sa Amerika.