2 GOLD ANG SAMAR BOXER, ILOILO AT CEBU UNA SA BP VISAYAS LEG


ILOILO CITY – Lakas at liksi ang ipinakita ng mga batang boksingero mula sa Bobon, Northern Samar upang kumalawit ng dalawang ginto, tatlong pilak at isang tanso sa pagsali sa Visayas Qualifying Leg ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy.
Impresibo ang panalo ng 14-anyos na si Fernando Lacaña Jr., knockout ang kanyang kalaban na si Bienjemar Codoy ng Cebu City sa Jr. Boys Light Flyweight (48kg) para iuwi ang unang gintong medalya at una rin para sa kanilang probinsiya.
Napuruhan ni Lacaña si Codoy may 1:54 sa Round 1, ayon kanya sanay sa bugbugan ang kanyang kalaban. “Mga sanay na sa laban ang mga nakaharap namin kaya kinakabahan po kami, pero laban lang po kami para maabot ang pangarap at ambisyon namin na matulungan ang pamilya namin,” hayag ni Lacaña Jr, na ulila na sa ama at kabilang sa inampon sa boxing program ni sportsman Reny Celespara.
Nasilo ni Darwin Sevillano sa Jr. ang pangalawang ginto para sa Bobon matapos upakan si Dante Montales ng La Carlota City sa Boys Pinweight (44-46kg).
Nais din ni Sevillano na maabot ang pangarap na makapag-aral ng maayos at maiahon ang kanilang pamilya. “Sana po ay mabigyan kami ng pagkakataong makapag-aral kahit nasa bundok kami nakatira at magkaroon din po ng pagkakataon sa mga scholarship para po maipagpatuloy namin ang pagiging boksingero,” hayag ni Sevillano.
Samantala’y umaasa ang host Iloilo City na mapapanatili nito ang walong gintong medalyang kalamangan para itala ang kauna-unahan nitong pagiging Visayas leg overall champion. Hanggang sa huling araw, base sa partial unofficial medal tally, hawak ng host City ang unang puwesto sa kanilang 49-40-39 Gold-Silver-Bronze (G-S-B) sa kabuuang 128 medalya.
Humalili naman sa Iloilo sa second place ang Cebu City na may 34-46-48 G-S-B kasunod ang Cebu Province sa third place, na may 32-27-40 G-S-B, habang ang Negros Occidental naman ang nasa ikaapat at Lapu Lapu City ang nasa ikalimang puwesto. (ATD)





Comments