Sa nagbabagang kampanya, handa ba tayong hanapin ang mga kandidatong may “K”?
- BULGAR

- Mar 3, 2019
- 3 min read
MIYERKULES ng Abo ngayong ika-6 ng Marso. Isasauli na sa mga Simbahan ang mga natuyong palaspas na ginamit at binendisyunan noong nakaraang Linggo ng Palaspas. Napakagandang simbolo ng buhay ang palaspas. Luntian at buhay na buhay ang mga ito na isinasayaw at iwinawagayway sa harap ni Hesus na nakasakay sa asno. Masaya ang mga tao at umaawit ng “Hosanna, Hosanna, Papuri, Papuri sa Diyos!” Tahimik lamang si Hesus sa gitna ng maingay na sigawan at awitan ng madla. Hawa-hawa ang lahat sa kanilang paghanga at pagkilala kay Hesus bilang lider na sa tingin nila ay mag-aakay sa kanila sa kaligtasan mula sa mapang-aping mga Romano.
Oo, tahimik si Hesus dahil alam nitong tulad ng mga palaspas na gawa sa mga sanga ng puno ganito rin ang pagpupugay sa paghanga ng mga tao sa Kanya. Hindi magtatagal ay matutuyo rin at mawawalan ng buhay ang kanilang pagpupugay at paghanga. Hindi lang ito matutuyo at mawawalan ng buhay kundi mababaligtad pa. Kapalit ng palaspas ang mga kamaong nakataas habang isinisigaw ang “ipako siya, ipako siya sa krus!”
Parang kahoy na nag-aapoy at nagiging mga baga ang maling politika. Tingnan natin ang bawat lalawigan, siyudad, bayan at barangay. Hindi ba, halos iisang pamilya lamang ang paulit-ulit na tumatakbo at nananalo tuwing eleksiyon? Paminsan-minsan, nakalulusot ang ‘ika nga “hindi trapo” ngunit, kakaunti lang ang mga ito at tila nakakasundo pa ng mga trapo para tiyakin ang kanilang panalo tuwing eleksiyon. Nagsisimula nang magbaga ang ambisyon, kapangyarihan, kayamanan at kayabangan. Makikita kung sinu-sino ang mayroong kapangyarihan at kayamanan sa rami ng paid ads sa TV, radyo at diyaryo, gayundin sa mga poster, tarpaulin at sticker.
Nakakuwentuhan natin noong isang araw ang ilang mga botante na ikinakampanya ang mga kandidato ng oposisyon laban sa mga kandidato ng administrasyon. Tanong nito sa atin, “bakit kailangang iboto ng mga tao ang kandidatong gumagawa ng iba’t ibang “P” — pagpatay, pandarambong, panloloko, pagsisinungaling, pang-iinsulto at pambabastos, panliliit sa ibang relihiyon, panggigipit at pang-aapi, pagtataksil at pagbebenta ng kasarinlan sa ibang bansa at iba pa? Bakit hindi na lang natin piliin at iboto ang mayroong pagpapahalaga sa “K” — kalinga sa mga matatanda, kagitingan, kanayunan, kasarinlan, kababaihan, kabuhayan, kabataan at katarungan?
Nakalulungkot at nakadidismaya na napaniniwala ng ilang kandidato ang mga botante sa kasinungalingan at pambobola. Hindi na natin babanggitin ang kanilang mga pangalan at ang kanilang ikinakalat na kasinungalingan. Nakalulungkot makitang naikakalat ang kasinungalingan sa pamamagitan ng posters at paid multi-media ads.
Nagbabaga at magbabaga pa ang kampanya ng maraming kandidato ngunit, hindi sila dapat magkumpiyansa nang husto na ipapanalo sila ng kanilang salapi at koneksiyon sa mga taong nasa matataas na puwesto. Hanggang kailan ipagpapatuloy ang pagsisinungaling at pambobola, habang kampanya lang hanggang eleksiyon? Sapat nang basahin natin ang libro ni Pareng Bert o Fr. Bert Alejo: “Sanayan lang ang pagpatay.” Isinulat ito ni Pareng Bert sa rami ng mga pinapatay sa kalye at pamayanan ng mga naghihirap na informal settlers. Ganito ang sitwasyon sa maraming lugar ng mga maralitang tagalungsod. Nagbabaga at magbabaga pa ang ambisyon, kapangyarihan, kayamanan at kayabangan subalit, tulad ng karaniwang baga na unti-unti na rin silang tumatanda, nagkakasakit at namamatay ngunit, hindi magtatagal at magiging abo ang mga baga.
Panigurado, magpapapahid ng abo ngayong Miyerkules ang sinuman. Payak ngunit, makapangyarihang simbolo ang abo tulad nito kumukupas at nagiging abo ang ambisyon, kapangyarihan, kayamanan at kayabangan. Gayunman, handa na ba tayong hanapin ang mga kandidatong may “K”?





Comments