top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PAHIRAPAN MAN SA CIGNAL DAQUIS AT WILSON, BIDA

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 3, 2019
2 min read

PINAHIRAPAN muna sa laro ang Cignal HD Spikers bago nalampasan ang bigat na hatid ng pakikipagbakbakan ng Foton Tornadoes, 15-25, 25-22, 21-25, 25-13, 21-19, sa Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa Malolos Sports and Convention Center.

Solido ang naging laro ni American Erica Wilson upang pamunuan ang HD Spikers sa paghahabol sa laban na nagtagal ng 2 oras at 24 na minuto na naisaere sa ESPN5 at 5 Plus.

Si Wilson ay minsan nang naglaro sa Team USA sa FIVB Women’s U23 World Championship at nakapagdeliber ng 21 kills, 3 blocks at 5 sa 10 aces ng Cignal para sa impresibong 29 puntos habang sina Anastasia Artemeva at Rachel Anne Daquis ay may tig-19 at 9 na marka, ayon sa pagkakasunod.

Sa naturang panalo, nakabawi ang Cignal sa winning track at umibayo sa 4-2 win-loss record sa prestihiyosong women’s club tourney. “This win is a blessing for us,” ayon kay HD Spikers coach Edgar Barroga, na kailangang magkaroon ng adjustment upang magampanan ang papel ng middle blocker na si Ranya Mus at second setter Pauline Cardiente. “It wasn’t easy, it was evident during the game, but we held on to finish the match and luckily we won.”

Ginamit ni Barroga si team captain Rachel Anne Daquis bilang opposite spiker habang si Mumay Vivas ay 2nd setter para sa match.

Ang set up ang nagbigay ng magandang resulta laban sa nalilito nang Tornadoes lalo na sa 5th set at hindi na roon sumuko pa ang HD Spikers.

Nakagawa si American Courtney Felinski ng 23 puntos habang si Elaine Kasilag ay may 14 at si Turkish import Selime Ilyasoglu ay may 11 puntos paa sa Foton na nasagap ang ika-4 na diretsong talo matapos ang opening day victory. (MC / VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page