Kaso ng tigdas, bababa na


BABABA na ang bilang ng mga tinatamaan ng tigdas.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Department of Health.
Kasunod ito ng pagtaas ng bilang ng mga magulang na pinababakunahan na ang kanilang mga anak.
Maaaring nauunawaan na nina tatay at nanay ang kahalagahan ng bakuna.
Matatandaang, nitong mga nakaraang linggo ay nagkaroon ng mataas na bilang ng measles sa bansa kung saan mahigit 200 sa mga ito ang binawian ng buhay dahil sa kumplikasyon.
Batay sa datos ng DOH-Epidemiology Bureau, mula Enero 1 hanggang Pebrero 26, umaabot na sa 13,723 ang bilang ng mga tinamaan ng measles sa bansa at 215 sa mga ito ang nasawi dulot ng kumplikasyon ng sakit.
Pinakamaraming nabiktima ay nasa edad 1 hanggang 4 na umabot sa 4,190 habang 26% naman ang mga sanggol na 9 buwang gulang pababa o 3,555 kaso.
Sa kabuuang bilang ng mga pasyente, 8,549 (62%) ang hindi nabakunahan; 235 (2%) ang nabigyan ng doses ng bakuna; 76 (1%) ang mayroong dalawa o higit pang bakuna; 2,653 (19%) ang hindi alam kung nakailang doses ng bakuna at 2,210 (16%) ang hindi tukoy ang vaccination status.
Pinakamarami ang nasawi na nasa edad 1 hanggang 4 na umabot ng 109 kaso (51%), sumunod ang 9 buwang gulang pababa na nasa 77 kaso (36%).
Sa mga nasawi dahil sa tigdas, 176 o 82% ang hindi nabakunahan; tatlo (1%) ang nabigyan ng doses ng bakuna; dalawa (1%) ang nabigyan ng dalawa o higit pang doses; 13 (6%) ang hindi batid kung ilang doses ang naibigay na bakuna at 21 (10%) ang hindi batid ang vaccination status.
Kapansin-pansin na marami ang tinamaan ng tigdas dahil sa walang bakuna.
Kaya panawagan sa mga magulang, huwag matakot na pabakunahan ang ating mga anak laban sa tigdas at iba pang sakit.





Comments