Karapatan ng mga pasyente sa ospital
- BULGAR
- Mar 3, 2019
- 2 min read
KARAPATAN ng mga maysakit na dinadala sa mga ospital upang magpagamot at humanap ng lunas ng kanilang mga karamdaman na ang kanilang kalusugan ay mapangalagaan ng mga manggagamot na tumitingin sa kanila. Ang marapat na nasa isip ng mga manggagamot ay ibigay ang karampatang-lunas sa pinakamaagap na pamamaraan at hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng sapat na pera para sila ay makakuha ng lunas sa kanilang mga karamdaman. Marapat na tandaan ng mga may-ari ng ospital na ang pangunahing layunin nila ay ang mabigyan ng karampatang-lunas ang mga pasyenteng nagpapatingin sa kanilang ospital at hindi ang pinansiyal na kakayahan nito.
Sang-ayon sa Republic Act 9439 (An Act Prohibiting the Detention of Patients in Hospitals and Medical Clinics on Grounds of Nonpayment of Hospital Bills or Medical Expenses), labag sa batas ang gagawin ng ospital o medical clinic na idetine o hindi payagang lumabas ang kanilang pasyente na gumaling na sa kanilang karamdaman o namatay na dahil sa hindi sila makabayad nang buo o hindi makabayad ng kanilang mga obligasyon (bill) sa ospital o ng iba pang gastusin para sa kanilang pagpapagamot.
Maliban sa mga pasyenteng gumamit ng pribadong kuwarto, ang mga pasyente na gumaling na at nasabihan na ng manggagamot na maaari nang lumabas sa ospital o sa medical clinic kung saan sila ay ginamot ay hindi dapat mapigilang lumabas dahil lamang sa hindi sila makabayad ng kanilang mga obligasyon sa ospital sapagkat wala silang pera para mabayaran ang mga ito. Sila ay kinakailangang mapayagang lumabas ng ospital o sa medical clinic kung saan sila ginamot. Gayundin, ang mga pasyente na hindi na nabigyan ng lunas ang karamdaman at namatay na. Kaugnay nito, may karapatan silang humingi ng medical certificate at iba pang dokumentong kinakailangan para makalabas sa nasabing ospital o medical clinic pagkatapos nilang gumawa ng “promissory note” kung saan nakasaad na babayaran ng pasyente ang nasabing pagkakautang sa takdang-araw na ipinangako. Ang promissory note ay maaaring garantiyahan ng sanla o ng co-maker. Ang co-maker o guarantor ay maggagarantiya na kasama siyang magbabayad ng nasabing pagkakautang ng pasyente sa ospital o medical clinic kung saan siya nagpagamot.
Sa mga namatay na pasyente, ang death certificate at iba pang papeles na kailangan para sa pagpapalibing sa kanila ay kinakailangang maibigay sa kaninuman sa mga kamag-anak nito na humiling ng nasabing mga dokumento.
Ang sinumang opisyal o empleyado ng ospital o medical clinic na may responsibilidad sa pagpapalabas o pagpapauwi ng pasyente na lumabag sa mga nabanggit na probisyon ng batas ay maaaring maparusahan na magmulta ng hindi bababa sa P20,000 subalit, hindi hihigit sa P50,000. Maaari rin silang maparusahan ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang buwan, pero hindi hihigit sa anim (6) na buwan o parehong multa at pagkabilanggo ayon sa diskresyon ng husgado.
Comments