Eh, di wow! SIGAW NI MAYMAY: PAGIGING BEAUTY QUEEN, 'DI KO PRIORITY
- BULGAR

- Mar 3, 2019
- 2 min read
Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

MAINIT na pinag-usapan ang pagpasok ng aktres-model na si Maymay Entrata sa mundo ng beauty pageant dahil sa kanyang pagrampa kasama ang mga beauty queens sa Raise Your Flag Homecoming Concert na ginanap sa Big Dome para sa pagbabalik ni Catriona Gray sa ating bansa.
Bukod pa rito, nakakatanggap na rin si Maymay ng suporta mula sa mga dating Miss Universe candidates tulad nina MJ Lastimosa at Ariella Arida.
Pero sa unang pagkakataon, nagbigay-linaw na ang aktres-model sa balitang pagsali niya sa Binibining Pilipinas.
Ayon kay Maymay, “‘Pag beauty queen kasi, hindi po clear sa akin kung ‘yun ang gusto ko. Maraming salamat po sa nagsasabi. Para sa akin, magiging mahirap ‘yun, marami pa akong pina-priority sa buhay ko at may trabaho po rito sa showbiz.”
Gayunman, malaki ang pasasalamat ni Maymay sa mga nakapansin sa galing niyang rumampa.
Ikinuwento rin ni Maymay na kahit kailan ay hindi sumagi sa isip niya na maging isang beauty queen.
Aniya, “Sinasabi ng lolo ko. Sabi ko, ‘Maawa ka sa akin. Wala akong dibdib, ‘Tay.’”
Kasunod nito, nagbigay na rin ng reaksiyon si Maymay sa usaping siya ang gaganap bilang si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa drama anthology show na Maalaala Mo Kaya.
“Ang alam ko po, isa po ako sa mga gusto ni Ms. Catriona Gray, pero kung papagawain po ako? Ah, talagang overwhelmed ako. Sobrang humbling na ako ang isa sa mga pinili ni Ms. Catriona, pero ganu’n nga po, nakakakaba talaga,” pahayag ni Maymay.
Dagdag pa niya, “At saka, gusto ko, sang-ayon lahat ng tao. Gusto ko, masaya lahat sila, hindi ‘yung ‘Ah, bakit siya?’ ganito, ganyan. Dapat, kung ano ang majority na gusto ng tao, ‘yun ang sundin.”
Bukod dito, aminado rin ang aktres-model na malaking-malaki ang pagkakaiba nila ni Catriona.
Aniya, “Siguro po kasi, magkaiba kami ng culture ni Ms. Catriona. Hindi ko alam kung nagda-dalawang-isip sila, ganu’n. At saka alam n’yo naman na ang ganda ni Ms. Catriona. English din siya, alangan naman na mag-English din ako sa MMK.”
Gayunman, kinilala na sa ibang bansa ang galing ni Maymay sa pagrampa. Siya ang kauna-unahang Pinay na rumampa sa Arab Fashion Week.





Comments