Tunay na pagsasabuhay ng Kuwaresma sa buhay ng mga Kristiyano
- BULGAR

- Mar 2, 2019
- 3 min read
MATATAPOS na ang karaniwang panahon sa kaledaryo-liturhiko ng Simbahan. Sa loob ng ilang araw, papasok na tayo sa panahon ng Kuwaresma, ang panahon ng malalim na pagninilay at panalangin sa diwa ng paghihirap at kamatayan ng ating Panginoong HesuKristo. Magsisimula rin ang 40 araw ng pag-aayuno at pag-iwas sa pagkain ng karne tuwing Biyernes. Sa madaling salita, hihikayatin ng Simbahan ang bawat kasapi na magsakripisyo upang higit na maramdaman at maintindihan ang kabuluhan ng sakripisyo ng Panginoon para sa ating pagbabalik-loob at kaligtasan.
Tuwing Kuwaresma, maghahanap ang maraming Kristiyano ng mga lugar na naghahandog ng mga gawaing-espirituwal (spiritual exercises) para muling lumapit ang kalooban sa Panginoong Diyos. Mayroon mga maiikling gawaing-espirituwal na tinatawag na “rekoleksiyon” at mayroon namang mas mahaba at malalim na tinatawag ng “retreat.” Kung wagas at ganap ang pagsisikap at pagbibigay ng sarili sa Diyos ng sinumang magrerekoleksiyon o magre-retreat, hindi malayong maranasan niya ang espiritu ng Diyos at tanggapin ang biyayang makilala ang sariling kahinaan at kasalanan upang pag-ibayuhan ang mga ito subalit, hindi lamang ang mga indibidwal ang maaaring magrekoleksiyon o mag-retreat. Maaari ring dumanas ng malalim na pagninilay at panalangin ang isa o maramihang grupo.
Katatapos lang ng Special Summit on Sex Abuse na ipinatawag ng Santo Papa sa Roma. Tinalakay ng Santo Papa kasama ang mga Kardinal, Obispo at iba’t ibang namumuno sa mga mahahalagang opisina sa Batikano ang maselang mga kaso ng sex abuse ng mga pari, Obispo at Kardinal. Nasimulan na ang proseso ng pag-iimbestiga sa naturang mga kaso noong panahon ni Pope John Paul II at ipinagpatuloy ito ni Papa Benedicto (Pope Benedict). Nang tumitindi na ang paglabas ng sari-saring mga kaso ng sex abuse sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tila ito ang nagbigay ng matinding palaisipan at damdamin kay Papa Benedicto na naging dahilan ng pagbibitiw nito.
Dahil sa pagbibitiw ni Papa Benedicto, kinailangang harapin ng kapalit nito na si Papa Francisco ang malalim na problema. Nang sinimulan nang harapin ni Papa Francisco ang problema, nagtuluy-tuloy na ang paglabas ng mga reklamo mula sa mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Napakasakit pakinggan ang mga balita tungkol sa mga Kardinal, Obispo at paring nakasuhan at dumaraan sa paglilitis. Napakasakit marinig na napan na ang ilan at naghahanda na ang mga ito sa mapait na yugto ng kanilang pagkakakulong.
Noong nakaraang araw, nasa lahat ng balita ang paghatol kay Cardinal George Pell ng Australia. Mapa-CNN, Fox News o Aljazeera, ipinakita si Cardinal Pell na lumalabas sa korte pagkatapos itong pan ng “guilty” o may sala sa kasong pangmomolestiya sa mga menor-de-edad. Malungkot ang dating makisig na Kardinal, wala na ang kanyang dating tikas ng kapangyarihan at “dangal ng posisyon” (dignity of office).
Ito ngayon ang mukha ng maraming nakasuhan at kasalukuyang nililitis sa iba’t ibang bansa: Nakatungo, nag-iisip nang malalim, nawalan ng lugar sa Simbahan at lipunan at hinahatak pababa ng matinding kahihiyan.
Nagsimula na ring ireklamo at kasuhan ang ilang mga pari at ilang may mataas na posisyon sa Simbahan sa Pilipinas. “Hahayaan naming dumaan sa legal at tamang proseso ng imbestigasyon at paglilitis si father. Hindi namin hahadlangan ang tungkulin ng estado sa mga biktima at mamamayang naapektuhan ng pagkakasala ng ilang mga miyembro ng kaparian at hirarkiya.” Ganito na ang karaniwang sagot ng mga Obispong Pilipino sa tanong ng mga prosekyutor at media. Sa kanilang pagsagot, walang anumang bahid ng pagdiriwang, bagkus, lubos na kalungkutan at pagsisisi.
Matindi pa kaysa sa mahabang retreat ang pinagdaraanan hindi lang ng Papa, mga Kardinal at Obispo kundi lahat ng mga Laykong Katoliko. Ito na ang tunay at malalim na pagbabalik- loob, pagbabago at pagsunod sa Panginoon. Napakasakit damahin ang pinagdaraanan ng lahat mula sa mga biktima hanggang sa mga nagkasala at sa mga namumuno sa Simbahan.
Ito ang tunay na Kuwaresma, ang tunay na pag-amin sa mga kasalanan, ang pagtanggap ng parusa at pagbabayad-puri, ang pangako at tuluy-tuloy na pagsisikap na hindi na bumalik sa makasalanang buhay. Nararamdaman ng tunay na Kristiyano ang naramdaman ng mga biktima. Gayundin, ang kahihiyan at paghahangad na lumayo na lamang ang mga nagkasala.





Comments