Kahit ‘wa ‘wenta ang usapan | TRUMP, TINAWAG NA “PRODUCTIVE” ANG U.S.-NOKOR SUMMIT
- Jersey Sanchez
- Mar 2, 2019
- 1 min read
NAGING produktibo umano ang dalawang araw na summit nina U.S. President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un sa Vietnam.
Ito ang ipinagmalaki ni Trump kahit walang nabuong kasunduan sa naturang summit tungkol sa denuclearization ng Korean Peninsula.
Sa press conference sa hotel sa Hanoi, sinabi ni Trump na kinailangan nilang mag-walkout dahil hindi na sila makahanap ng common ground hinggil sa isyu.
Gayunman, tinawag ni Trump na “very good, very friendly” ang paligid matapos nilang magpasya na tapusin ang diskusyon.
Itinuro ng lider ang isyu sa mga sanction ng Pyongyang na pangunahing rason kaya maagang natapos ang pagpupulong.
Samantala, naniniwala si Trump na tutuparin ni Kim ang pangako nitong hindi muna magsasagawa ng missile at nuclear testing habang wala pang plano para sa ikatlong summit sa pagitan ng dalawang bansa.





Comments