GONZALES, KAMPEON SA HIGH SCHOOL DIVISION NG NCR CHESS

HINDI napahiya ang mga eksperto sa paghirang kay Julius Gonzales bilang topseed nang itakbo nito ang kampeonato sa high school division ng NCR Palaro 2019 Chess Tournament bitbit ang halos walang dungis na kartada sa OLOPSC DAS Hall, Marikina City.
Umiskor si Gonzales, pambato ng Mandaluyong ng kabuuang 6.5 puntos pagkatapos ng 7 rounds ng bakbakan para sa titulo.
Anim na panalo ang nailista niya laban kina Audric Calar (Muntinlupa, round 7), Chris Aldritz Pondoyo (Las Pinas, round 6), Juan Samson Guillermo Cantela (Quezon City, round 4), Joshua Francisco (Makati, round 3), Wynn Josh Lim (San Juan, round 2) at Ivan Glen Aracena (Mandaluyong, round 1).
Naging tulay din ng 16-anyos na kampeon paakyat sa trono ang pakikipaghatian niya ng puntos laban sa Las Piñas ace na si Eric Labog Jr. noong panglimang yugto.
Kalahating puntos sa likod ni Gonzales si Labog, 10th seed sa torneo at may rating na 1791, na kumamada ng 5 panalo at 2 draws para masungkit ang pangalawang puwesto.
Isa pang kinatawan ng Las Piñas, ang 26th ranked na si Pondoyo ay nakapagposte ng 5.5 puntos para makuha ang huling upuan sa podium ng paligsahang sinalihan din ng mga high school chessers mula sa San Juan, Parañaque, Valenzuela, Pasay, Navotas, Malabon, Pasig, Caloocan at Maynila.
Kasama rin sa mga pinarangalan ang mga sumusunod: Girls’ High School: Jesca Docena, Josemier Jene Panol at Lovely Ann Geraldino; Boys’ Elementary: Lemuel Jay Adena, Kaylcris Clarito Jr., Oscar Joseph Cantela; at Girls’ Elementary: Christine Andrea Magura, Francine Elaine Magpily at Malthea Raizel Jeanne Estillore.





Comments