Mga bata inuutusang magpakamatay | NBI SA ‘KILLER ONLINE GAME’: ‘WAG MAG-PANIC
- Mylene Alfonso
- Mar 1, 2019
- 1 min read

INAMIN ng National Bureau of Investigation (NBI) na wala silang magagawa para matanggal ang ‘Momo Challenge Application’ na hinalang naging sanhi ng pagpapatiwakal ng isang 11-anyos na binatilyo.
Gayunman, pinayuhan ni NBI-Anti-Cyber Crime Director Vic Lorenzo ang mga magulang na huwag mag-panic dahil may paraan pa naman para hindi malulong ang kanilang mga anak sa naturang internet apps.
Aniya, makikita sa bawat site tulad ng Facebook at Twitter ang features na ‘report’ na mas makabubuti umanong i-report na lamang para matulungan ang mga online site na matanggal ito.
Napag-alaman na kahit matanggal ang nasabing challenge sa isang gadget, muli itong lalabas sa iba pang gadgets. Gayundin, pinayuhan ng NBI ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa paggamit ng internet upang maiiwas sa mga ganitong app.
Hinala ng NBI na ang nasa likod ng naturang apps ay may pinagdaraanan at naghahanap lamang ng damay. Nagkataon umano na ang mga bata ang mabilis naaapektuhan.
Ang Momo Challenge ay isang online game kung saan inuutusan ang mga bata na manakit at saktan ang sarili hanggang sa ito ay magpakamatay.





Comments