Kumuha ng police clearance | WANTED NA RAPIST, ARESTADO
- Gina Pleñago
- Mar 1, 2019
- 1 min read

KALABOSO ang 42-anyos na lalaki na wanted sa kasong rape makaraang kumuha ng police clearance sa Makati City, Miyerkules ng hapon.
Nasa detention cell ng Makati City Police ang akusadong si Marlon Ulep y Bugarin, ng Archer St., Southside, Bgy. Palar, Makati City.
Batay sa ulat, inaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section at Southern Police District sa pangunguna ni Insp. Eduard Maranan ang suspek na si Ulep sa tanggapan ng Police Clearance Division ng Makati City Police, alas-3:00 ng hapon.
Ayon kay Makati City Police Chief Senior Supt. Rogelio Simon, habang pinoproseso ng awtoridad ang kinukuhang police clearance ni Ulep, natuklasan na may nakabimbin pala itong warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Norberto J. Quisumbing, Jr., ng Branch 21, Regional Trial Court, Imus, Cavite sa kasong rape.
Sa pamamagitan ng e-warrant o online database ng Philippine National Police, mas madali sa mga pulis na mang-aresto ng mga kriminal at malaking tulong sa pangangalaga ng peace and order ng komunidad.





Comments