May sakay na 7 crew | LANTSA NA MAY KARGANG MGA TROSO, LUMUBOG

NASAGIP ng Naval Forces Western Mindanao (Navforwem) ang pitong crews ng isang lantsa na lumubog sa karagatang sakop ng Bongao sa Tawi-Tawi, Martes ng umaga.
Batay sa report ng Navforwem, nawasak ang lantsang de-motor na M/L Jomong dahil sa malalakas na hampas ng alon habang ang mga ito ay bumabaybay patungong Sitangkai.
Karga umano ng naturang sasakyang-pandagat ang malalaking troso na tinatayang nasa 5,000 board feet at sinasabing dahilan din ng mabilis na paglubog nito sa dagat.
Ani Navy Rear Admiral Rene V. Miranda, commander ng Navforwem, nagkataon lamang na nagpapatrulya sa bahagi ng karagatan ang Navy Patrol Craft-387 ng Naval Task Group-Tawi-Tawi nang maispatan ang pitong crews na palutang-lutang sa dagat kasama ang nasirang parte ng lantsa at mga trosong karga.
Nasa mabuting kondisyon ang pitong crews na pawang mga katutubong Badjao at Tausug.





Comments