Konstruksiyon ng metro manila subway, sinimulan na

PASISIMULAN na ang konstruksiyon ng kauna-unahang subway system sa bansa na inaasahang makukumpleto sa 2025.
Isinagawa na kahapon ang groundbreaking ceremony sa Bgy. Ugong, Valenzuela City para sa pagtatayo ng unang tatlong istasyon ng Metro Manila Subway System.
Tiniyak naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na tututukan ng gobyerno ang proyekto na pinondohan ng Japan.
Isa ang Metro Manila Subway sa flagship projects ng gobyerno sa ilalim ng “Build, Build, Build” infrastructure program.
Binubuo ng 36-kilometro ang railway system na may 15 istasyon mula sa Quirino Highway, Quezon City hanggang NAIA Terminal 3 sa Pasay at FTI sa Taguig.
Ang unang tatlong istasyon ay kinabibilangan ng Quirino Highway-Mindanao Avenue Station, Tandang Sora Station at North Avenue Station.
Dahil may bilis na hanggang 80 kilometro kada oras, sinabi ng DOTr na mababawasan nito ng hanggang 30 minuto ang biyahe mula sa Quezon City hanggang NAIA Terminal 3.
Target ng DOTr na magkaroon ng partial operation sa 2022 at magiging kumpleto na ang proyekto sa 2025.
Aabot sa 370,000 pasahero ang inaasahang makikinabang sa subway araw-araw sa sandaling maging full blast na ang operasyon nito.
Ang Metro Manila Subway ang itatayo sa suportang pondo ng Japanese government sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA).





Comments