PINOY YOUTH DREAMERS, MAGBABALIK SA LUCBAN
- BULGAR

- Feb 27, 2019
- 1 min read

MATAPOS ang tagumpay ng 6th Dreamers Interational Girls Basketball Challenge noong nakalipas na buwan, ang Pinoy Youth Dreamers ay muling magbabalik para sa international boys tournament sa darating na Marso.
Tinawag na 4th Dreamers International Boys Challenge, ang kompetisyon ay muling gaganapin sa Batis Aramin Hotel and Resort sa Lucban, Quezon simula Marso 28.
Gaya ng naunang kumpetisyon, umaasa si PYD founding president Beaujing Acot na magiging malaking tagumpay ang nasabing torneo para sa mga boys.
“Tulad ng Dreamers Girls Challenge noong nakaraang buwan, naniniwala ako na magiging malaking tagumpay ang boys edition,” pahayag ni Acot sa kanyang pagdalo sa 11th “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club.
“Maraming bata at talented na manlalaro mula Guam, Canada at Australia ang inaasahang darating. Maganda at kaaya-aya ang aming venue sa Batis Aramin. Excited na ang lahat para sa ating Dreamers Challenge,” dagdag pa ni Acot.
Ipinahayag din ni Acot na ang naturang torneo ay mahahati sa tatlong kategorya batay sa edad: 15 years old and under para sa players born 2003; 18-under para sa born 2000; and 23-under para born 1995.
Noong 2018, ang Crossover Canada-Smart Communications ang nag-domina ng 18-under at 16-under divisions ng Dreamers Challenge na ginanap din sa Batis Aramin. Si Matthew Daves ang nahirang na MVP.
Nakasama ni Acot sa weekly sports session na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at National Press Club sina two-time Olympian Stephen Fernandez ng taekwondo, MPBL Commissioner Kenneth Duremdes at Nueva Ecija Defenders team owner Atty. Bong Africa. (MC)





Comments