Mag-utol na tulak todas sa pulis


NANLABAN umano kaya napatay ng mga awtoridad ang magkapatid na umano’y tulak ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa pakikipagbarilan nagtapos ang buhay nina Joel at Jonathan Andolong, kapwa residente ng Bgy. Sto. Cristo at pawang nasa drug watchlist ng Bulacan Provincial Drug Enforcement Unit.
Patay din ang kanilang kasamahan na natukoy lamang sa alyas Barog.
Ayon kay Senior Supt. Chito Bersaluna, alas-5:50 ng hapon nang isinagawa ang operasyon laban sa magkapatid na pusher.
Gayunman, agad umanong bumunot ng homemade shotgun ang magkapatid na Andolong at maging ang kasamahan nang makatunog na pulis ang kanilang katransaksiyon.
Nagkaroon muna ng habulan hanggang sa makorner ang mga suspek sa madamong lugar hindi kalayuan sa pinangyarihan ng bentahan at dito na sila tuluyang napaslang ng pulisya.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng mga suspek ang kalibre .38 baril, dalawang sumpak at ilang piraso ng plastic sachets na naglalaman ng shabu.





Comments