3 sasakyan inararo | BEBOT DEDBOL SA CEMENT MIXER

INARARO ng cement mixer ang ilang sasakyan sa bahagi ng Bambang, Nueva Vizcaya na nagresulta sa pagkamatay ng isang babae at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Batay sa ulat ng pulisya, nakilala ang nasawi na si Merlyn Acpal na angkas ng motorsiklong minamaneho ng isang Erwin Carnate.
Ayon kay Senior Insp. Samuel Lopez, kabilang ang motor sa tatlong sasakyan na inararo ng mixer na minamaneho ni Diamante Bautista.
Lumabas sa imbestigasyon na nawalan umano ng preno ang mixer sa pababang bahagi ng national highway na sakop ng Bgy. Banggot, dahilan para mabangga ang mga sasakyang nasa harapan.
Unang tinumbok ang motorsiklo ni Carnate na nakaligtas sa sakuna subalit, hindi pinalad ang angkas nito na si Acpal na tuluyang naipit sa pagragasa ng mixer.
Sumunod na nadamay ang trak na nakaparada sa gilid ng kalsada kung saan nasugatan ang driver nito na si Ronnie Todenio at ang SUV na minamaneho ni Teofilo Sison, Jr.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Bautista na nahaharap sa patung-patong na kaso kaugnay sa insidente.





Comments