NEGROS AT ORMOC, MATIKAS SA PNYG-BATANG PINOY VISAYAS


NAGPAKITANG-GILAS agad sa unang araw ng kompetisyon ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Visayas Qualifying leg sa Iloilo City ang Negros Occidental at Ormoc matapos humablot ng tig- apat na gintong medalya kahapon.
Kinalawit ni 14-year-old Elika Salmorin ang ginto sa pinakaunang event ng tatlong araw na athletics na Girls’ 2000m walk matapos umoras ng 14 minuto at 16.08 segundo, tinalo nito si Rhyza Vaflor mula sa Escalante.
Inalay ng Grade 9 student sa Romanito Maravilla, Sr. National High School at pinakabunso sa anim na magkakapatid na si Salmorin ang panalo sa kuya niyang si Eduardo na may epileptic.
“Para sa kapatid ko ang panalong ito, gusto ko po kasi siyang tulungan kasi may sakit siya, (Special) saad ni Salmorin. “Pambili ko po ng gamot ang insentibong makukuha ko dito saka pati po sa probinsiya.”
Nanggaling ang tatlo pang ginto ng Negros Occidental kina Troy Castor na nagwagi sa boys 12-under 100m freestyle (1:07.94s) at Alexie Kouzenye Cabayaran na nilangoy ang girls’ 13-15 100m free (1:02.36) at 50m backstroke (32.01s).
Nakopo naman ni Coby Marcus Rivilla ang gold medal sa boys’ 12-and-under 200m individual medley (2:44.67s) para sa Ormoc habang nagwagi si Maria Angela Cimafranca sa girls 13-15 years old 200m IM (2:44.68).
Nagdagdag din ng ginto para sa Ormoc City sina Rex dela Cruz, Jr. sa 50m backstroke gold for boys 12-and-under (35.93s) at Martina Anele Estrella sa 50m backstroke girls 12-and-under (37.68s). (ATD)





Comments