ABOGADO, DINUKOT

ISANG abogado ang tinangay ng armadong grupo sa Cabanatuan City.
Humingi na ng tulong sa pulisya ang pamilya para matunton ang kinaroonan ng 38-anyos na biktima na si Atty. Alwyn Mendoza, residente ng Bgy. Valdefuente na sapilitang kinuha ng tatlong armadong lalaki pasado ala-1:00 ng hapon nitong Sabado.
Batay sa naipadalang report kay Nueva Ecija Police Provincial Office Director Sr. Supt. Leon Victor Rosete, dinukot ang naturang abogado habang sakay ng kanyang sasakyan sa bahagi ng Maharlika Highway sakop ng Bgy. Bitas.
Sa follow-up operations ng mga awtoridad, lumalabas na isinakay ang biktima ng mga kidnapper sa isang AUV (SHT 377), ilang sandaling harangin ito sa nabanggit na lugar.
Ilang eksena rin sa pagdukot ang nahagip ng CCTVsa lugar kung saan umano makikitang minaniobra ng ilang suspek ang sasakyan ng biktima at sumunod sa AUV kung saan lulan na ang biktima at patungo sa direksiyon ng Nueva Vizcaya.
Patuloy pa rin ang paglulunsad ng malawakang pagtugis laban sa armadong grupo at rescue operation ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Kidnapping Group, PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Nueva Ecija Provincial Mobile at Highway Patrol Group.





Comments