500 kilos ng sangkap ng pampasabog, nasamsam
- Jeff Tumbado
- Feb 25, 2019
- 1 min read

NAKUMPISKA ng mga operatiba ng Police Maritime Group ang tinatayang 500-kilo ng mga sangkap sa paggawa ng bomba habang limang indibidwal din ang naaresto sa karagatan ng Bgy. Taluksangay, Zamboanga City, Sabado ng umaga.
Nabatid mula kay Senior Supt. Jacob Macabili, ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sina Kadoh Kahamkan, boat operator; Mastal Malsani, may-ari ng bangka; Makaaril Kadaron; Jinaly Atinilda; Ismol Marsani at Kado Cahamcam, mga crew ng motorboat na may lulang ammonium nitrate, isang explosive component.
Nakalagay umano sa dalawampung sako na may tig-25-kilo bawat isa ang nasamsam na ammonium nitrate.
Nakadetine na ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong kriminal.
Samantala, aktibo na rin umanong kumikilos ang mga dayuhang terorista sa ilang lugar sa Rehiyon 12 (SOCCSKSARGEN).
Gayunman, ayon kay Supt. Aldrin Gonzales, mahigpit na nilang binabantayan ang mga terorista na iniuugnay sa Islamic State (IS).
Sa ngayon, patuloy umano ang mga dayuhang bandido sa paghihikayat ng mga bagong miyembro mula sa Sultan Kudarat at North Cotabato.
Paliwanag ni Gonzales, naramdaman ng mga awtoridad ang pagpasok ng mga terorista nang marekober mula sa serye ng operasyon ng militar at pulisya ang maraming bandila ng IS.
Sa kabila ng presensiya, tiniyak ni Gonzales na kontrolado pa rin ng mga awtoridad ang seguridad sa rehiyon.





Comments