Karapatan ng hindi lehitimog anak na gamitin ang apelyido ng kanyang ama

NOONG naisabatas ang Republic Act (R.A.) No. 9255 na may titulong “An act allowing illegitimate children to use the surname of their father, amending for the purpose Article 176 of Executive Order No. 209, otherwise known as the “Family Code of the Philippines”, ang isang hindi lehitimong anak ay maaari nang gamitin ang apelyido ng kanyang ama kapag sumang-ayon ang huli na ipagamit ito sa anak sa pamamagitan ng pagpirma sa kanyang birth certificate o ng iba pang dokumento kung saan nakasaad na kinikilala nito ang kanyang anak. Saklaw ng nasabing batas ang mga hindi nakarehistrong kapanganakan pati ang mga nakarehistrong kapanganakan kung saan ang hindi lehitimong anak ay ginagamit ang apelyido ng kanyang ina.
Upang bigyang-katuparan ang hangarin na maibigay ng ama ang kanyang apelyido sa kanyang hindi lehitimong anak, maaari siyang maghain ng Affidavit to Use the Surname of the Father (AUSF). Ito ay sang-ayon sa Rule 3, Administrative Order No. 1, Series of 2004, Rules and Regulations Governing the Implementation of R.A. No. 9255. Maaari itong ihain sa Local Civil Registrar kung saan nakarehistro ang kapanganakan ng bata.
Kapag naman pumirma ang ama sa birth certificate ng kanyang hindi lehitimong anak, ito ay nangangahulugan lamang na kanyang kinilala ang nasabing anak bilang kanyang anak noong ipanganak ito. Ito ang tinatawag na recognition. Sa ganitong pagkakataon, maaaring gamitin ng kanyang anak ang kanyang apelyido pagkasumite ng nagawang AUSF. Wala namang nabanggit ang batas maging ng kanyang implementing rules, partikular ang Rule 7.2.1 na kailangan ang I.D. ng ina para maisagawa ang nasabing pagpapagamit ng apelyido.
Ayon sa A.O. No. 1, Series of 2004, ang kailangan lamang isumite ay ang birth certificate ng bata at AUSF na ginawa ng kanyang anak. Ang nasabing AUSF ay isasama sa record of birth ng bata at itatala sa birth certificate niya ang tulad ng mga sumusunod na kataga, “The surname of the child is hereby changed from (original surname) to (new surname) pursuant to RA 9255.” Sa kaso ng mga batang gamit ang apelyido ng kanilang mga ina, ilalagay doon na ang apelyido ng kanilang ina ay papalitan ng apelyido ng kanilang ama subalit, ang orihinal na apelyido ng bata na nasa kanyang Certificate of Live Birth ay hindi papalitan o buburahin, ilalagay lamang sa kanyang birth certificate ang anotasyong nabanggit sa itaas.





Comments