Cobra, dragon at maruming ilog

Salaminin natin ang panaginip ni Elma ng Elma_Gaviola@facebook. com
Dear Professor,
Gusto kong itanong kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Nandu’n ako sa sirang bahay sa may bukid, ako lang mag-isa, kaya hinanap ko ang mga kasama ko, may nakita akong cobra na lumalapit sa akin.
Tapos, pagdating ko sa unahan, mayroon namang dragon na nakatingin sa akin, tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makarating ako sa ilog, pero hinahabol pa rin nila ako.
Napilitan akong lumangoy kahit marumi ang tubig dahil may halo itong putik.
Naisipan kong sumisid, kaya lang nang umahon ako sa ilog ay mayroon namang buwaya na gustung-gusto akong kainin, tumakbo na naman ako hanggang sa umakyat ako sa bundok.
Nu’ng una, madali lang, pero nu’ng nasa gitna na ako ay biglang dumilim at wala na akong makita sa daan.
Hanggang ngayon ay naguguluhan ako kung ano ang ibig sabihin ng napanaginipan ko?
Naghihintay,
Elma
Sa iyo Elma,
Ang sirang bahay sa bukid ay inilalarawan ng iyong nakaraan kung kailan sobrang hirap ng iyong naging buhay.
Alam mo, iha, napakahirap talagang maging mahirap. Ano ang ibig sabihin ng napakahirap ng buhay ng mahirap?
Ang mahirap ay pinagsasamantalahan, nilalamangan, ibinababa at kinakawawa. Kaya mahirap kapag ito ang iyong mararanasan. Gayunman, ipinaaalala sa iyo ang katotohanang ito ng iyong panaginip, kaya hindi puwede na muli kang mabuhay sa kahirapan.
Ang cobra ay simbolo ng mga lalaking mahilig makipagtalik na ang pangkaraniwang gustong biktimahin ay ang mahihina at madaling makuha.
Ang dragon naman ay simbolo ng mayaman na gahaman. Ito ay bumibiktima rin sa mahihina na gagamitin nila sa kanilang ambisyong mas lalo pang yumaman.
Ang buwaya ay ang mga may ranggo at may hawak ng matataas na posisyon na walang kabusugan sa kayamanan.
Napansin mo ba, iha, ang mga nasa itaas ay mga “powerful”? Ito ay dahil may katotohanan sa mga salitang “sex is power”. Sa madaling salita, malakas ang libido ng mga taong successful.
Sabi ng panaginip mo, mag-ingat ka sa kanila at magsikap ka sa sarili mo nang sa gayun ay hindi ka mapabilang sa hanay ng mga nakararanas ng kahirapan dahil muli, kung sino ang mahirap, sila pa ang mas lalong pinagsasamantalahan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments