Alamin mula kay Maestro... KATANGIAN AT KAPALARAN NG MGA KUNEHO


SA pagkakataong ito, ang pangunahing katangian at sadlakang kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ang ating tatalakayin.
Tandaang, ikaw ay mapapabilang sa Year of The Rabbit kung ikaw ay isinilang noong mga taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011.
Ang Year of the Rabbit ay pinaghaharian ng impluwensiya ng planetang Neptune at sa Western Astrology, ang Year of the Rabbit ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Pisces.
Sinasabing higit na mapalad ang Kuneho na isinilang sa panahon ng tag-araw kung ikukumpara sa mga Kuneho na isinilang sa panahon ng tag-ulan at taglamig.
Kung may nagmamahal sa katahimikan, nature at sa payapang buhay, wala ng hihigit pa sa Kuneho. Bukod sa mahal nila ang nature, sinasabi ring mahal na mahal din ng Kuneho ang privacy at labis din nilang pinahahalagahan ang kanilang pamilya.
Bukod sa sariling pamilya, ang mga Rabbit ay mapagmahal din sa kanilang kapwa at dahil mapagmahal sila sa kanilang kapwa at napakasenstibo nila sa pangangailangan ng mga mahihirap, kumbaga, mabait sila at maawain, kaya palagi silang pinagpapala ng langit. Kaya saanman silang dako ng mundo mapadpad, palagi ng may kaakibat na kakaibang suwerte at magagandang kapalaran ang kanilang karanasan.
Sabi nga sa librong Chinese Elemental Astrology ni E.A. Crawford, “Rabbits are sensitive to the interest of others; they love to travel and are among the luckiest of the animal sings.”
Tunay ngang sa halos lahat ng bagay — pag-ibig, career, paglalakbay at maging sa negosyo ay napakasuwerte ng Kuneho lalo na ngayong Taon ng Bulugang Baboy.
Bukod sa likas na pagiging mabait, ang mga Kuneho ay sadyang mahinahon at bihira o matagal magalit. Inaakala tuloy ng mga kakilala nila na ang mga Rabbit ay may mahinang personalidad na sa totoo lang kahit hindi naman. Bagkus, ang tunay na ugali ng Rabbit ay matapang, sa totoo lang, kapag siya ay nagdesisyon at napalaban, anumang pagsubok ay hindi niya uurungan at talagang pinagbubuti niya hanggang siya ang manaig, magwagi at magtagumpay.
Dagdag pa rito, ang isa pang prominenteng katangian ng mga Kuneho ay ang pagiging malihim kahit sa mga mahal nila sa buhay.
Ang pagiging malihim ng Rabbit ay nakadaragdag sa misteryoso nilang pagkatao, kaya naman may mga dumarating ding kapalaran sa kanila na kung minsan ay mahiwaga at hindi kapani-paniwala.
Dahil dito, sa anumang uri ng pakikipagsapalaran, may tendency na biglang suwertehin ang Rabbit ng hindi niya inaasahan. Sabi nga, “para sa Kuneho palaging bukas ang bintana ng langit at anumang oras na siya ay naglalakbay, palaging handa ang nasa itaas upang siya ay hulugan ng suwerte at magagandang kapalaran.”
Sinasabi ring bukod sa payapa at tahimik na buhay, pinagkakalooban din ng mahabang buhay ang mga Rabbit dahil anumang sitwasyon ang kanilang masuungan, nanatili silang kampante at hindi gaanong nakikialam sa magulong takbo ng lipunan.
At dahil hindi gaanong mahilig makialam ang mga Rabbit sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran, inaakala tuloy ng mga taong nakapaligid sa kanya na siya ay tamad at walang kabuhay-buhay na nilalang, pero ang totoo, may sikreto o lihim na ambisyon ang Rabbit na siya lang ang nakaaalam. Ang ambisyong ito ay sobrang tayog, ngunit, ito ay inililihim lang niya at ito ay mabubunyag lamang sa sandaling natupad at napagtagumpayan na niya ito.
(Itutuloy)




Comments