top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

28 Pinoy nadale | KOREAN NA ILLEGAL RECRUITER HULI SA NAIA

June Simon
Feb 24, 2019
1 min read

ISANG Korean na nakapanloko ng P5.6 milyon sa 28 Pinoy makaraang pangakuang makapagtatrabaho sa Seoul, South Korea ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport.

Kinilala ang Korean na si Chang Woo Ham, 24, estudyante ng Lyceum of the Philippines University-Batangas City, na nahaharap sa kasong large-scale estafa at illegal recruitment.

Batay sa reklamo ng 28 Pinoy, hinimok sila ng suspek na magtrabaho sa South Korea na ang sahod ay doble sa kanilang kinikita rito sa Pilipinas. Hiningan sila ng tig-P200,000 o may kabuuang P5,600,000 sa pangakong makapagtatrabaho agad sa South Korea nang hindi lilipas ang dalawang linggo.

Gayunman, makalipas ang isang taon at dahil sa pamimilit ng 28 Pinoy na mailipad sila sa South Korea, napilitan si Chang na dalhin ang mga ito sa NAIA Terminal 2 noong Biyernes, para sa kanilang flight sa Seoul.

Nang makita ng airline representative sa check-incounter ang kanilang visa, pinayuhan ang 28 na dumulog sa South Korean Embassy upang maiwasan na maaresto kapag nakatuntong na sa South Korea.

Dahil dito, humingi ng tulong ang mga Filipino sa airport police kung saan inimbitahan ang suspek sa kanilang tanggapan saka inilipat ito sa IACAT-NBI para sa imbestigasyon.

Nabatid na hinimok ng suspek ang mga manggagawa na sumailalim sa job training para sa deployment ng mga ito sa kani-kanilang employer kapag nakapasa sila sa training.

Nakipag-ayos din si Chang sa mga Pinoy na ibabalik niya ang mga perang nakolekta nito kapalit ang kanyang kalayaan subalit, sinampahan pa rin ito ng NBI ng kasong large-scale estafa at illegal recruitment laban dito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page