Sa loob ng 24 oras | 313 NADALE NG TIGDAS SA CALABARZON

UMABOT sa mahigit 300 katao ang naitalang tinamaan ng tigdas sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon o Calabarzon sa loob lang ng 24 oras.
Sa inilabas na quick count ng DOH-Calabarzon, mula alas-8:00 ng umaga ng Pebrero 21 hanggang alas-8:00 ng Pebrero 22, umaabot sa 313 pasyente pa ang naitala nilang tinamaan ng tigdas sa rehiyon.
Dahil dito, umakyat na sa 3,077 ang pasyente ng sakit doon mula sa dating 2,764 na naitala mula Enero 1.
Pinakamarami pa ring naitalang kaso sa Rizal na may 1,586 na may 51 patay; sumunod ang Cavite na may 437 kaso at walong patay; Laguna na may 427 kaso na may pitong patay; Batangas na may 329 kaso at tatlong patay at Quezon na may 298 kaso na may apat na patay.
Tiniyak naman ni DOH-Calabarzon Regional Head Eduardo Janairo na ginagawa nila ang lahat upang makontrol ang pagkalat ng sakit sa lalawigan at puspusan na rin aniya ang ginagawa nilang pagbabakuna sa mga paslit sa rehiyon upang maproteksiyunan ang mga ito laban sa naturang karamdaman.
Patuloy din ang panawagan nito sa mga magulang na huwag nang magdalawang-isip na pabakunahan ang kanilang mga anak upang hindi na dapuan pa ng tigdas.
Kumpiyansa naman si Janairo na sa mga susunod na buwan ay unti-unti nang mababawasan ang mga tinatamaan ng tigdas.





Comments