Police official arestado sa kotong

ARESTADO ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) ang isang police official sa ikinasang entrapment operation sa Tanza, Cavite.
Hindi na nakapalag nang posasan ng kapwa nito mga pulis si Superintendent Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime Police Station sa Bgy. Julugan 5.
Ayon kay CITF Commander Senior Supt. Romeo Caramat, Jr., inaresto si Dimabuyo dahil sa panghihingi umano ng lagay o protection money sa mga mangingisda ng Tanza.
Sa mismong opisina ni Dimabuyo isinagawa ang pag-aresto kay Dimabuyo ilang sandali matapos nitong matanggap ang P18,000 marked money mula sa isa sa mga biktima nito.
Ani Caramat, nag-ugat ang operasyon batay sa mga inihaing reklamo ng asosasyon ng mga mangingisda dahil sa panghihingi ni Dimabuyo ng lagay na nagkakahalagang P21,000 kada buwan.
Ang naturang halaga ng protection money ay kapalit sa paggamit ng malalaking uri ng bangkang pangisda na siyang ipinagbabawal sa lugar at hayaang makalagpas pa mula sa 15 kilometrong palugit mula sa baybayin.
Agad ding sinibak ni PNP Maritime Group Director Chief Supt. Rodelio Jocson ang lahat ng personnel ng naturang himpilan at pinalitan sila ng mga elemento ng Special Operations Unit ng Maritime Group.
Nahaharap naman sa kasong administratibo at kriminal si Dimabuyo.





Comments