Mga ‘epalitiko’ na may koneksiyon sa makakaliwang grupo, pangalanan!

NOON pa man, hindi na nawawala ang mga problemang kinahaharap ng bansa, lalo na kapag nalalapit na ang eleksiyon, kaya naman kasabay ng paghahanda para rito ay tinukoy ni DILG Secretary Eduardo Año ang nasa 349 na mga local government official na nagbabayad umano ng mga campaign fee at extortion money sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Nakadidismaya, ‘di ba? Dahil ‘yung mga nakaupo sa gobyerno, eh, nakikipagsabwatan sa grupong kumokontra sa pamahalaan kaya imbes na nagkakaroon ng kapayapaan ay puro gulo ang nangyayari sa bansa, dagdag pa na isa itong malaking kalokohan.
Gayunman, binalaan ni Sec. Año ang nasabing mga local government official na itigil na ang pagbibigay ng pera sa mga rebeldeng komunista dahil bukod sa hindi ito nakatutulong para sa bansa, dagdag pa sila sa problema.
Pero, huwag na tayong magtaka dahil ganyan talaga kapag galawang ‘epalitiko’, imbes na magbigay ng serbisyo, mas pinipili nilang manloko.
Ang malaking tanong pa rito, saan kaya nagmumula ang perang ipinambabayad nila sa mga ito? Hmmm…
Samantala, sa nasabing bilang, 11 ang provincial governors; 5 vice-governors; 10 provincial board members; 55 mayors; 21 vice-mayors at 41 councilors.
Kabilang din sa listahan ang 126 barangay captains; 50 barangay councilors at walong iba pang barangay officials.
Ang mga nagbibigay naman ng extor tion money ay ang 11 dating local government unit (LGU) officials, 10 incumbent congressmen at isang dating congressman.
Dagdag pa rito, mula noong 2016 hanggang 2018 elections ay nakalikom umano ng pondo ang CPP-NPA ng nasa mahigit P195.5 milyon. Grabe, grabe!
Kaya ang panawagan natin sa pamahalaan, pangalanan na ang mga ‘yan nang sa gayun bago ang eleksiyon, eh, magkabistuhan na!
Gayundin, pinaaalahanan natin ang publiko na huwag iboto ang mga pulitiko na may koneksiyon at ugnayan sa makakaliwang grupo para magkaroon na ng tunay na pagbabago!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments