Malinaw ayon sa birthday... SINGLE MOM NA NAKATAKDANG LUMIGAYA SA KASALUKUYANG MANLILIGAW
- BULGAR

- Feb 23, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
May ka-live-in ako dati, kaya lang nagkahiwalay kami, pero ngayon ay nakikipagbalikan siya.
Ngunit, ayaw ko na sa kanya dahil ngayon ay may masugid akong manliligaw at balak ko na siyang sagutin.
Kaya lang, natatakot ako dahil sobrang kulit ng ex ko. Sa totoo lang, nu’ng kami pa, nananakit siya at nambubugbog, lalo na kapag nakainom at nalalasing.
‘Yung manliligaw ko naman na gusto ko ng makasama ay biyudo na isinilang noong November 7, 1966 at botong-boto sa kanya ang mga anak ko dahil matagal na namin siyang kakilala at mabait talaga siya sa mga bata.
Sa palagay ninyo, Maestro, sino sa dalawang lalaking ito ang ka-compatible at makakasama ko, habambuhay?
December 3, 1973 ang birthday ng dating ka-live-in ko na gustong makipagbalikan at July 2, 1974 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Maricris ng San Agustin, Candaba, Pampanga
Dear Maricris,
Ayon sa birth date mong 2 at zodiac sign na Cancer, tunay ngang higit mong ka-compatible ang kasalukuyan mong manliligaw na isinilang noong November 7, 1966 na may zodiac sign na Scorpio kaysa sa dating ka-live-in mo na may zodiac sign na Sagittarius.
Nangyari ito sapagkat higit na tugma ang pagsasama ng Scorpio at Cancer na may iisang elementong tinataglay - ang elementong water o tubig kaysa sa Cancer at Sagittarius.
Ibig sabihin, Maricris, kung boto naman ang iyong mga anak sa kasalukuyan mong manliligaw at nagkataong mahal mo rin naman siya at ang maganda pa nga nito ay compatible kayo sa Numerolo-Astrology na pag-aanalisa dahil ang birth date mo ngang 2 ay sadyang compatible sa birth date na 7 ng lalaking biyudo na iyong manliligaw, ito ay nagpapatunay lamang na kung siya ang sasamahan mo kaysa sa dating live-in partner mong nambubugbog kapag nalalasing, tiyak ang magaganap, ngayon pa lang ay sinisiguro na ng iyong kapalaran na sa piling ng lalaking Scorpio ay makasusumpong ka na nang maayos na pag-aasawa hanggang ang nasabing pagsasama ay humantong sa maligaya at panghabambuhay na pag-papamilya.




Comments