top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

BLATCHE, BUMIDA VS. QATAR, KAZAKHSTAN NEXT SA FIBA

Alvin Olivar
Feb 23, 2019
2 min read

PINATUNAYAN ni Andray Blatche na talagang karapat-dapat siyang masama sa Gilas Pilipinas matapos talunin ng pambansang koponan ang Qatar, 84-46, sa FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers sa Al-Ghafara Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha.

Nagpakitang-gilas si Blatche matapos magtipa ng 17 points, 15 rebounds, 7 assists, 2 steals, at 2 blocks sa kanyang pagbabalik sa Gilas Pilipinas upang pangunahan ang koponan sa panalo. Umakyat ang kartada ng Gilas Pilipinas sa 6-5 at tumaas ang pag-asang makapasok sa FIBA Basketball World Cup na gaganapin sa Agosto ngayong taon. “We just played great defense. We were consistent. The energy was there. The guys really worked hard every single of them,” saad ni national coach Yeng Guiao matapos ang laro.

Lumayo ang Gilas matapos ang 31-9 na 3rd quarter para makuha ang 62-30 na abanse. Sa naturang quarter, bumuslo ng tatlong tres si Blatche para tulungang makalayo ang Gilas. Nanatili sa pang-apat na puwesto ang Gilas Pilipinas sa Group F pagkaraang manalo ang Japan kontra Iran, 97-89, upang makatabla ang Iran sa team standings na may 7-4 na kartada.

Sinimulan ni Blatche ang laro sa pamamagitan ng isang 3-point play at umiskor sina Marcio Lassiter at Jayson Castro para makuha ang 31-21 abanse sa halftime para sa Gilas Pilipinas. Naging mahigpit din ang depensa ng Gilas Pilipinas sa laro matapos umiskor lang ng 10 points si Erfan Ali Saeed, ang pinakamataas na puntos na nakuha ng isang manlalaro ng Qatar sa laro. Nagtapos ng 14 points at tangan ang 4 of 4 sa tres si Lassiter habang gumawa naman si Paul Lee ng 13 points. Nag-ambag naman ng 11 points si Jayson Castro.

Samantala, na-thrown out sa laro si Yeng Guiao matapos ng dalawang technical foul dahil sa pagrereklamo sa referee sa fourth quarter. Nagpakitang-gilas din si Thirdy Ravena sa laro matapos masupalpal ang isang manlalaro mula sa Qatar noong fourth quarter.

Naging limitado naman ang minuto ng 4-time PBA MVP na si June Mar Fajardo dahil sa isang karamdaman. Agad na lumipad ang Gilas Pilipinas patungong Kazakhstan kung saan hangad ng koponan na makuha ng tuluyan ang puwesto para sa FIBA Basketball World Cup sa kanilang laro na gaganapin sa Linggo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page