Banta ng Sayyaf, 3 bihag pupugutan | PALASYO: NO RANSOM POLICY!

NANINDIGAN ang Malacañang sa no ransom policy kasunod ng banta ng teroristang Abu Sayyaf Group na pupugutan ang kanilang tatlong dayuhang bihag.
Naniniwala si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kung tutugon ang pamahalaan sa hiling ng Abu Sayyaf at iba pang mga lawless group, lalo lamang umano silang gagawa ng mga pagdukot para makalikom ng pera at makabili ng mga armas.
Una rito, nagpalabas ng video ang Abu Sayyaf at nagbanta na pupugutan nila ang isang Malaysian at dalawang Indonesians na kanilang bihag kapag hindi naibigay ang hinihinging ransom money.
Dinukot ang tatlo sa eastern Sabah malapit sa Tawi- Tawi noong December 5.
Sa kabila nito, tiniyak ng Palasyo na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang ligtas na mapalaya ang tatlong dayuhang bihag.
Patuloy din aniya ang pagtugis ng mga awtoridad sa bandidong grupo tulad na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na durugin ang teroristang grupo.
Bagama’t, nakatakip ang kanilang mukha sa video, pinaniniwalaang ang mga dayuhang Indonesian sa video ay sina Heri Ardiansyah, 19, at Hariadin, 45.
Ang dalawa ay dinukot kasama ang Malaysian hostage na si Jari Abdulla, 24, sa eastern Sabah malapit sa Tawi -Tawi noong December 5.





Comments