top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

3 PINOY, SASABAK SA TEXAS WORLD 10-BALL

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Feb 23, 2019
  • 2 min read

MAGKAKAROON ng World 10-Ball Championships ngayong taong ito at tatlong Pinoy ang nagpaparamdam na ng kanilang kahandaan matapos angkinin ng mga ito ang tatlo sa unang limang puwesto sa pagsasara ng 125-man 2019 Texas Open 10-Ball Championship sa Round Rock, Texas.

Sinunggaban nina Alex “The Lion” Pagu­layan, Francisco “Djan­go” Bustamante at Ro­berto “Superman” Go­mez ang una, pangatlo at panglimang puwesto ayon sa pagkakasunod-sunod sa kompetisyong umakit hindi lang ng ma­rami kundi mga malulu­pit na bilyarista tulad nina 2018 Texas 10-Ball 4th placer na si Kuwaiti O­mar Alshaheen, 2018 MCC Midnight Madness king John Moora ng Ca­nada, UAE gem Jalal You­sef at 2019 Derby City Classic (DCC) 9-Ball titlist Skyler Woodward ng America.

Winalis ni Pagulayan, isang dating world champion at nagkampeon din sa 2019 MCC billiards kamakailan, ang lahat ng mga bilyaristang hu­marang sa kanyang daraanan patungo sa trono para mairehistro ang walang mantsang kampanya. Kasama sa nakatikim ng bagsik ng tubong Isabela na cue artist si Woodward (dala­wang beses niyang tinalo sa iskor na 7-5 at 7-6 ), Alshaheen (7-5), Kevin Guimond (7-1), Danny Lee (7-0), Morra (7-6), Danny Galvan (7-0) at Moaaz Khan (7-0).

Siyam na panalo at dala­wang talo ang re­kord na nagtulak kay Bustamante, isang ala­mat mula sa Tarlac, sa pangatlong puwesto sa likod ng sumegundang si Woodward, itinanghal ring 2019 DCC Master of the Table, samantalang ang markang 5-2 ay sa­pat na para sa pang­li­mang puwesto ni Gomez.

Hindi lang sa main event nagparamdam ang mga Pinoy kundi pati na rin sa mga pang­himagas na events. Sa Ring Game, si Pagula­yan rin ang nangibabaw habang nakipagsanib-puwersa si Gomez sa lady cue artist ng Amerika na si Kelly Isaac para makuha ang korona ng Scotch Doubles.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page