Lolo, 10 pa arestado sa drug den

LABING-ISANG hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang 69-anyos na lolo at ang umano’y drug pusher na target ng buy-bust operation ang arestado sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit Head Chief Insp. Rengie Deimos, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU ang buy-bust operation kontra kay Mario Calajate, 45, ng Buklod ng Nayon, Bgy. 8, alas-3:10 ng madaling-araw sa kahabaan ng Julian Felipe St., Sangandaan.
Nang iabot ng suspek ang sachet ng shabu kay PO1 Rogelio Yumul na nagpanggap na poser-buyer kapalit ng P200 marked money ay napansin ni Calajate na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya tumakbo.
Hinabol ito ng mga operatiba hanggang sa masukol sa isang bahay na hinihinalang drug den kung saan naaktuhang nagsa-shabu sina Junmark Palad, 46; Manolito Limbo, 37; Jamille Paradillo, 38; Randy Bayani, 21; Romeo Fernando, 39; Felicitos Mendeza, 69; Roger Talinga, 38; Elpidio Leoncio, 48; Elviera Estorba, 50, at Imelda Salangsang, 47.
Narekober kay Calajate ang plastic sachet ng shabu, coin purse na may apat na sachets ng shabu at marked money, habang ilang drug paraphernalias at mga bukas na sachet na may bahid ng shabu ang nasamsam sa loob ng sinasabing drug den.





Comments