105-day maternity leave, pirmado na | BAKASYON GRANDE KAY MOMMY

GANAP nang batas ang Expanded Maternity Leave Bill matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kinumpirma ni dating Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go.
Sa ilalim ng batas, mabibigyan ng 105 araw na bakasyon nang may bayad ang mga nanay na nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor na nagsilang ng kanilang anak.
May opsiyon naman ang mga nanay na mag-extend pa ng bakasyon ng panibagong 30 araw pero, wala na itong bayad.
Para naman sa mga single mother, mabibigyan ang mga ito ng karagdagang 15 araw na bakasyon.
Kumpiyansa ang Palasyo na magbibigay ito sa mga nanay ng sapat na panahon para makapaghanda at makapagpahinga bago o pagkatapos nilang manganak.
Magandang pagkakataon din aniya ito para makapag-bonding nang mas matagal ang nanay at ang sanggol at mabibigyan ng mas matagal na panahong breastfeeding sessions ang mag-ina.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Deputy Speaker Pia Cayetano kay Pangulong Duterte sa paglagda sa nasabing panukala.
“Ang mas mahabang araw ng maternity leave ay makapagbibigay ng panahon para mga nanay na magpagaling pagtapos manganak at maalagaan pa ang kanilang bagong panganak na sanggol,” ani Cayetano.
Sinabi mismo ng pangulo noong inendorso niya si Cayetano sa rally ng PDP-Laban sa Bulacan nitong huling linggo na handa siyang makinig sa mungkahi ng babaeng mambabatas pagdating sa pagtugon sa mga problema ng bansa.
“Ang panukala tungkol sa maternity leave ay tila isang sanggol na hinintay kong maipanganak. Sa mahabang panahon, simula pa noong nasa Senado pa ako, talagang pinagsikapan ko ang pagpasa ng panukalang-batas na ito,” paglilinaw ni Cayetano.
Matapos ang mahigit dalawang dekada, ngayon lang ulit nakapagpasa ng batas na nagdaragdag ng benepisyo sa mga kababaihang nagdadalantao.
Matatandaang, ang Republic Act 7322 o “Act Increasing Maternity Benefits in favour of Women Workers in the Private Sector” ay naging batas noong Marso 1992.
Ang bagong batas sa maternity leave ay itinuturing na maagang regalo ni Pangulong Duterte para sa pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan sa Marso, lalo na para sa mga working mother.





Comments