Universal health care bill, pirmado na

GANAP nang batas ang Universal Health Care makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya awtomatiko nang pasok sa PhilHealth ang publiko na layuning mabigyan ng access ang lahat ng mga Pilipino sa de-kalidad at murang health care services sa bansa.
Nakasaad din sa batas na kukunin ang pondo ng Universal Health Care mula sa sin tax o buwis na nagmumula sa alak at sigarilyo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa gitna ng nasa P164 billion funding gap ng pamahalaan para sa Universal Health Care Law, maaari umanong mahirapan ang gobyerno sa pagpapatupad ng naturang measure.
Aminado si Panelo na posibleng unti-unti ang pagpapatupad ng gobyerno sa Universal Healthcare Act, sakaling mabigo na makahanap ng sapat na resources para pondohan ito.
Gayunman, paglilinaw ni Panelo, marami namang paraan para mag-augment ng resources at tiyak na alam ng gobyerno kung saan ito kukunin na naayon sa Konstitusyon.
Una nang inilahad ng Department of Finance (DOF) na makakalikom umano ang gobyerno ng P32.3 billion ngayon taon sa kasunod ng planong excise tax hike sa mga alcoholic product na makatutulong para pondohan ang Universal Health Care Program.
Sa panig naman ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua, sinabi niya na ang projected revenues na posibleng makuha mula sa alcohol tax ay P32.3 billion ngayong 2019, P40 billion sa 2020, P47.4 billion sa 2021, P54.6 billion sa 2022, ar P62.4 billion sa 2023, kung saan aabot ito sa kabuuang P236 billion sa loob ng limang taon na sasapat para sa Universal Healthcare Act.





Comments