Pahiwatig na maaaring magkaroon ng relasyon ang asawa at kapatid
- BULGAR

- Feb 21, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Genzam ng Geneza_Adaya@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na mas maganda raw sa akin ‘yung kapatid ko?
Tapos, minsan ay nagtatanong ang asawa ko tungkol sa kanya. Nu’ng una hindi ko ito binibigyan ng meaning, kaya lang napapansin kong palagi na lang siyang nagtatanong.
Tapos, nakita ko raw silang dalawa sa mall na naglalaro ru’n sa kotse na hinuhulugan ng token.
Ano ang ibig sabihin nito?
Salamat!
Naghihintay,
Genzam
Sa iyo Genzam,
Madalas magtanong ang asawa mo tungkol sa kapatid mo, kaya mapapaisip ka talaga dahil sa panaginip mo ay masaya silang dalawa at idagdag mo pa na mas maganda sa iyo ang kapatid mo, malamang na buong araw ay magulung-magulo ang isip mo.
Ibig sabihin, pinaghaharian ka ng selos, kaya mas maganda kung oobserbahan mo ang mga kilos ng asawa mo kung siya ba ay nagbago.
Gayunman, kung mas tumindi ang selos mo dahil sa resulta ng pag-oobserba mo, narito ang mga dapat mong gawin:
1. Huwag mo ng patirahin sa inyo ang kapatid mo kung sakaling siya ay kasama ninyo sa bahay.
2. Huwag mong kalimutan na ang pinagseselosan mo ay wala namang kasalanan, maliban na lang kung siya mismo ang umaakit sa asawa mo.
3. Ibig sabihin, tanungin mo ang iyong sarili, kung babaero ba ang iyong mister.
4. Sa huli, wala kang dapat sisihin kundi ang sarili mo dahil siya ang pinili mong mapangasawa.
5. Pero, ang isa sa mga lihim na katotohanan sa pag-aasawa na kapag nagkukulang na ang asawa ay maaaring maghanap ng iba ang isa.
6. Siyempre, masama ang ganu’ng gawain, kaya huwag mo itong gagawin.
7. Pero, kapag ginawa mo ito at nagkabistuhan kayo, tiyak na siya ang magsisisi.
Kaya ang payo ay huwag mo ng hintayin pang lumala ang sitwasyon, mas magandang paglayuin mo ang iyong asawa at kapatid mo nang sa gayun ay hindi masira ang relasyon ninyong mag-asawa.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments