top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Nagtamo ng 45 saksak | DRIVER NG KAMARA KINATAY

  • V. Reyes
  • Feb 21, 2019
  • 1 min read

PATAY matapos burdahan ng 45 saksak sa katawan ang drayber ng staff ng House of Representatives habang natutulog sa kanyang quarters sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Atilano Asi Servan, 51, may asawa, drayber ng Committee on Affairs Department ng Kamara, stay-in sa bahay ng kanyang among si Tyrone Hernandez sa Bgy. Commonwealth.

Tinutugis na ang suspek na si Sandrex Cordel Pineda, 24, residente ng Bgy. Capuocan, Ginadlongan, Leyte. Batay sa paunang pagsisiyasat ni PO3 George Caculba, natagpuan ang duguang katawan ng biktima alas-6:30 ng umaga sa quarters nito.

Nauna rito, nakipag-inuman pa umano ang biktima sa kasambahay na si Arlyn Talinting at sa nobyo nito sa loob ng garahe habang ang suspek ay nasa labas at nakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay na sina Agnes dela Cruz, Cheche Serbidad, Mabel Braga at mga nakilala lamang sa pangalang Vic, Lorie at Arjay.

Nang malasing na umano ang biktima ay nagpasya na itong matulog sa kanyang quarters at nagpaalam na rin ang nobyo ng kasambahay ng kanyang amo.

Naiwan naman si Talinting sa garahe upang linisin ang kanilang pinag-inuman nang makita nito ang suspek na si Pineda na galing sa kanilang kusina at nagmamadaling lumabas.

Nang gigisingin na kahapon ng umaga ang biktima ay bumulaga kay Talinting ang duguan at wala ng buhay na katawan ni Servan.

Nakuha sa lugar ng krimen ang 12-pulgadang kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Nagkalat din ang buhok sa silid na palatandaan umanong nanlaban pa ang biktima.

Patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page