Estudyanteng anti-government | GOODBYE SCHOLARSHIP
- Mylene Alfonso
- Feb 21, 2019
- 1 min read

NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte si National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema na bawiin ang scholarships ng mga estudyanteng ‘anti-government’.
Partikular na tinukoy ni Cardema ang mga estudyanteng sumasapi sa Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front (NDF).
Ani Cardema, dapat na magpalabas ng Executive Order si Pangulong Duterte para alisan ng scholarships ang lahat ng mag-aaral na ‘anti-government’.
Kasabay nito, hinimok din niya ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK), Reserve Officers Training Corps (ROTC), Citizen Army Training (CAT) na i-report sa pamahalaan ang mga pinaniniwalaang sangkot sa CPP-NPA-NDF sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.
Gayunman, iginiit ng Malacañang na dapat mayroong kongkretong ebidensiya na bahagi ang mga estudyante ng grupo na nagpapabagsak sa gobyerno bago sila tanggalan ng scholarships.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, magiging maingat ang gobyerno hinggil sa naturang usapin bago patawan ng marahas na hakbang ang mga estudyante. Kung suspetsa lamang aniya ay malabong umubra ito ayon kay Panelo.
Karapatan umano ng mga mag-aaral na ipahayag ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng kilos-protesta bilang freedom of expression ngunit, maliban na lamang aniya kung sila ay sumasama sa mga nagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.





Comments