El niño mararanasan na — pagasa

INALERTO na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko sa inaasahang pagpasok ng El Niño phenomenon sa bansa.
Nagpalabas na ng babala ang PAGASA kaugnay sa presensiya ng mahinang El Niño sa Pasipiko.
Ang ibig sabihin ng ipinalabas na El Niño Advisory ng PAGASA ay nalalapit nang maranasan ang paglakas nito na posible sa katapusan ng kasalukuyang buwan magsimula.
Karaniwang tumatagal ng walo hanggang 12 buwan ang El Niño na nangyayari lamang tuwing ikalawa hanggang pitong taon.
“Binabantayan po ang El Niño, inaasahan na mabubuo ito during this month or end of month. Mula pa nu’ng July nila ang El Niño watch at ito ay binabantayan mabuo sana last quarter ng last year pero di naabot ang criteria na sinusundan. Kaya ngayon inaasahan this month or next month nasa mataas ng percentage na mabubuo na ito,” ayon kay PAGASA Administrator Vicente Malano.
Ibinabala pa ng PAGASA ang magkakaibang epekto ng El Niño na depende sa lugar.
Kapag may El Niño phenomenon, mas mainit sa karaniwan ang temperatura, mahaba ang panahon ng tag-init o mas mababa sa normal ang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Inaasahan din na mababawasan ang mga bagyong daraan sa bansa o nasa 14 hanggang 18 mula sa average na 20 kada taon. Gayunman, mas malakas umano ang mga bagyo kung panahon ng El Niño.





Comments