top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Patuloy na pagbibigay-tulong ng PCUP sa masa, asahan!

Alvin Feliciano
Feb 20, 2019
2 min read

BUKOD sa PCUP Caravan at Urban Poor Privilege Card na ating tinalakay nitong mga nakaraang araw, mayroon pang natitirang proyekto ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP na tinatawag nating Adopt an Urban Poor Community.

Para sa inyong kaalaman, ang Adopt an Urban Poor Community ng PCUP ay naglalayonG ipaampon ang mga mapipiling resettlement site sa mga naglalakihang kumpanya sa bansa upang linangin at paunlarin.

Tanong: Ako ay naninirahan ngayon sa resettlement site sa Pandi, Bulacan. Gusto kong itanong sa PCUP kung may makukuha ba kaming ayuda mula sa inyong ahensiya bukod sa ibinigay ninyong legal assistance sa nangyaring demolisyon at ebiksiyon sa aming lugar?

Sagot

Ang PCUP ay patuloy na gumagawa at nag-iisip ng mga programa para sa mga maralita, lalo na sa mga kababayan nating napaalis sa kanilang dating tinitirahan na nailipat sa resettlement site. Isa na rito ang Adopt an Urban Poor Community kung saan magsasagawa ng profiling ang PCUP sa mga mapipiling resettlement site upang alamin ang mga kulang at kailangan sa kanilang komunidad. Halimbawa, nakita ng PCUP na hindi masyadong maayos ang kalsada at pailaw, ito ang hihilingin at ipaaayos natin sa mga pribadong kumpanya na siyang mag-aampon sa naturang komunidad.

Para na rin sa inyong kaalaman, may mga Corporate Social Responsibility (CSR) ang mga pribadong kumpanya na maaari nating pasukin. Nakapagpasa na ang PCUP ng mga project proposal sa mga ito upang maisakatuparan ang layunin ng Adopt an Urban Poor Community.

Magkakaroon din ng instant trabaho para sa mamamayan ng mapipiling komunidad dahil sila rin ang gagawa ng mga pagbabago sa kanilang lugar. Halimbawa, kung ang kailangan ay pailaw, paniguradong may instant trabaho para sa mga electrician, lineman etc.

Layunin ng PCUP na maramdaman ng tao na nandito lamang ang pamahalaan upang sila ay tulungan. Kaya naman patuloy lamang ang PCUP sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong kumpanya upang mas maparami pa ang maihatid nating serbisyo at tulong sa ating mga kababayan.

Muli, hindi na lamang isyu ng demolisyon at ebiksiyon ang tutugunan natin, dahil ang PCUP ay isang komisyon para sa maralitang tagalungsod kaya kung anuman ang mga pangangailangan nito, agad natin itong tutugunan, isyu ng kalusugan, edukasyon o ano pa man.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page