Legalidad ng martial law extension, pinagtibay ng SC

PINAGTIBAY ng Kataas-taasang Hukuman ang legalidad ng pagpapalawig ng Kongreso at Malacañang sa ipinaiiral na Martial Law sa Mindanao.
Sa botong 9-4, ibinasura ng mga Mahistrado ng Korte Suprema ang apat na petisyong humahamon sa batayan ng Martial Law extension.
Ayon kay SC Public Information Office Chief Brian Keith Hosaka, kabilang sa mga bumoto para ibasura ang mga petisyon sina Chief Justice Lucas Bersamin at Associate Justices Diosdado Peralta, Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Andres Reyes, Jr., Alexander Gesmundo, Jose Reyes, Jr., Ramon Paul Hernando at Rosmari Carandang.
Nagbigay naman ng kanilang dissenting opinion sina Associate Justices Antonio Carpio, Francis Jardeleza, Alfredo Benjamin Caguioa at Marvic Leonen.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na kinatigan ng Korte Suprema ang kagustuhan ng administrasyong Duterte na magpatuloy ang implementasyon ng Martial Law sa Mindanao kasunod ng ginawang pagkubkob noong Mayo 2017 ng Maute-ISIS Group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Bagama’t, napalaya na ang Marawi City mula sa mga teroristang grupong nambulabog sa lugar, ipinagpatuloy pa rin ang pagpapairal ng Batas-Militar sa layong matiyak pa rin ang kaligtasan at kapayapaan sa Mindanao.





Comments